NAGHAIN ng isang panukalang resolusyon si Senador Nancy Binay upang paimbestigahan ang temporary deployment ban sa healthcare workers na itinakda ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Inter-Agency Task Force (IATF).
Sa pahayag, sinabi ni Binay na kailangan malaman at maunawaan ng publiko kung ano ang guidelines ng POEA at AITF sa pagtatakda ng deployment ban kaya’t ipatatawag ang dalawang ahensiya.
“Nais nating malaman kung ano ang naging guidance ng POEA at IATF sa kanilang policy on the deployment ban.
Yung latest incident na inoff-load sa eroplano ang ilang UK-bound nurses only shows that the policy is disjointed and conflicting, and its implementation is prone to lapses,” ayon kay Binay.
Inihain ni Binay ang Senate Resolution No. 514 matapos pababain ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Filipino nurse na patungong UK nitong Linggo kahit exempted siya sa deployment ban.
Hiniling din ng Philippine Nurses Association sa gobyerno na payagang makaalis ang mahigit 600 nars patungong abroad.
Nauna nang hiniling ni Binay sa pamahalaan na alisin ang deployment ban dahil walang karapatan ang pamahalaan na pigilan ang mga healthcare worker na magtrabaho sa abroad upang mabigyan ang kanilang pamilya ng sapat na pangangailangan.
Sinuspinde ng IATF noong Agosto ang pagpapadala ng medical at allied health professionals upang matugunan ang pangangailangan ng frontliner works laban sa corona virus 2019 (COVID-19) kasunod ng kautusan ng POEA noong Abril.
Tinaya ng Department of Health (DOH) na kailangan ng bansa ang 16,500 medical frontliners, pero umabot lamang sa 10,468 ang inaprubahan at 7,850 lang ang nag-aplay.
Iginiit ni Binay na sapat ang bilang ng healthcare workers kahit alisin ang deployment ban.
Tinukoy ni Binay ang 2017 data mula sa DOH na nagpapakitang may 750,000 licensed medical professionals sa bansa kabilang ang dentista, med technologists, pharmacists, physicians, at midwives.
Sa bilang na nito, umaabot lamang sa 204,437 ang aktibo sa health sector na ibig sabihin umabot sa 500,000 licensed medical professionals ang hindi nagtatrabaho. (ESTONG REYES)
61