NAVY GUMAWA NG KASAYSAYAN SA BIKATHON

ANTIPOLO CITY– Nagtala ang Philippine Navy-Standard Insurance ng panibagong kasaysayan sa larangan ng bikathon sa bansa matapos na anim na miyembro nito ang sabay-sabay na nakatawid sa finish line Huwebes ng hapon sa ika-10 taong selebrasyon ng 2020 LBC Ronda Pilipinas na nagsimula sa Lucena City at nagtapos sa harap ng Ynares Sports Complex.

Magkakasabay na nagsumite ng 3:12:50 oras sina John Mark Camingao, Ronald Oranza, Junrey Navarra, El Joshua Carino, Ronald Lomotos at George Oconer sa Stage 5 at halos winalis ang lahat ng kategorya sa ginaganap na taunang cycling race.

“Ipinakita lamang po namin ang pagkakaisa pati ang kahalagahan ng teamwork para maisagawa namin ang panalo.

Alam po namin na wala pang nakagagawa ng ganito,” sabi ng isang beses naging kampeon na si Oranza.

Ikapito naman na dumating ang Navy team captain na si Jan Paul Morales na napag-iwanan ng 4 minuto at 58 segundo, na nakasabay sina Ismael Grospe Jr at Jonel Carcueva ng Go for Gold at Marvin Tapic ng Biccycology Shop-Army.

Ang panalo ng Navy ay nagtulak sa anim na miyembro sa overall leadership kung saan napunta ang red jersey  kay Oconer sa kabuuang itinalang 17:54:13 oras sa limang yugto.

Ikalawa si Oranza, ikatlo si Lomotos, na sinundan nina Camingao, Navarra at Carino.

Ang dalawang beses na may red jersey na si Mark Julius Bordeos ng Army ay nahulog sa ikapitong puwesto, na sinundan nina Rustom Lim, Jonel Carcueva at Ismael Grospe Jr.

Inangkin nina Oranza, Navarra at Camingao ang nakatayang puntos sa sprint classification bagamat napanatili ni Morales ang green jersey habang napanatili ni Carino ang King of the Mountain jersey. (ANN ENCARNACION)

271

Related posts

Leave a Comment