SA poso negro na natagpuan ang isang nawawalang anti-narcotics cop at natuklasang may tama ng bala nang i-ahon mula sa septic tank sa residential compound sa isang subdivision sa Malolos City.
Kinilala ang pulis na si Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr., 46, residente ng Barangay Sta. Barbara sa Baliuag City, nakatalaga sa Police Regional Office 3 Drug Enforcement and Special Operations Unit
Narekober ang bangkay ng biktima dakong alas-1:30 ng madaling araw noong Sabado mula sa isang septic tank sa bakuran ng isang bahay sa Green Street sa Felicissima Village, Barangay Mojon.
Ayon sa report na ibinahagi ni Malolos City police chief, Col. Rommel Geneblazo sa Bulacan Provincial Police Information Office, nakuha rin ng joint teams mula sa Malolos City Police, sa pakikipagtulungan ng iba pang provincial at regional police units at mga tauhan mula sa Baliuag City Police, ang helmet at Givi box ng biktima.
Nabatid sa imbestigasyon, umalis ng bahay ang biktima sakay ng motorsiklo noong Enero 24 patungo sa Malolos City at hindi na nakauwi ng bahay kaya iniulat itong nawawala.
Lumitaw sa backtracking na nakita si Casauay na nagtungo sa bahay ng kanyang kaibigan sa Felicissima Village.
Nakipagkita rin siya sa iba pang kakilala kabilang si Julian Salamat, at siyam iba pang indibidwal.
Ayon sa pulisya, iniulat ng saksi na si Salamat ay nagtungo sa bahay nito noong Biyernes at umamin na pumatay sa naturang pulis.
Dito na ipinaalam ng witness sa mga awtoridad ang nangyaring pag-amin.
Batay sa salaysay, binaril umano ni Salamat si Casauay matapos na hindi matuwa sa biro ng biktima na ipinahiya umano ito sa grupo.
Dalawang suspek na ang naaresto ng pulisya habang si Salamat at isa pang suspek ay patuloy na pinaghahanap pa kaugnay sa kakaharaping kaso ng pagpatay.
(JESSE RUIZ)
2
