NBI CHIEF: KASONG ARBITRARY DETENTION HARASSMENT LANG

TINAWAG ni NBI Director Jaime Santiago na isang uri ng “harassment” ang reklamong arbitrary detention na isinampa laban sa kanya at kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Giit ni Santiago, kung mayroon mang arbitrary detention, siya at ang kanyang mga ahente lamang ang dapat idawit at walang kinalaman si Remulla.

“Pakay lang ng mga nagreklamo na harangin ang clearance ni SOJ Remulla sa Ombudsman,” pahayag ni Santiago.

Ang kanyang depensa ay kasunod ng pagsasampa ni Atty. Ferdinand Topacio ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kina Remulla at Santiago kaugnay ng pag-aresto at pagkulong kina Sheila Guo at Cassandra Li Ong noong Agosto 2024.

Kinuwestyon pa ni Santiago kung bakit ngayon lang isinampa ang reklamo gayong matagal nang nangyari ang insidente.

Dagdag pa niya, may hawak silang warrant laban kina Guo at Ong kaya’t lehitimo umano ang operasyon ng NBI.

(JOCELYN DOMENDEN)

43

Related posts

Leave a Comment