12 BANSA ‘DI SAKLAW NG INTERNET VOTING NG COMELEC

HINDI saklaw ng internet voting sa 2025 election ang kwalipikadong overseas Filipinos sa 12 bansa dahil sa mga paghihigpit.

Sinabi ni Comelec spokesperson, Atty. John Rex Laudiangco noong Martes, batay sa mga tala mula sa Office for Overseas Voting (OFOV), may kabuuang 17 posts o Philippine Embassies (PEs) o Philippine Consulates General (PCGs) ang apektado.

Ayon kay Laudiangco, ang 12 bansa ay kinabibilangan ng China, Timor Leste, Papua New Guinea, Myanmar, Turkey, Russia, Nigeria, Jordan, Lebanon, Syria, Iran at Libya.

Aniya, tinanggal na sa listahan ang PE sa Tel Aviv, Israel dahil hindi na nararapat sa internet voting ang internet restrictions sa nasabing bansa, pero ikinokonsidera pa rin ng Comelec ang iba pang mode of voting dahil sa umiiral na conflict sa Gaza Strip.

Gayunpaman, sa 12 bansang may internet restriction, sinabi ni Laudiangco na ang pagboto sa ibang bansa ay isasagawa pa rin sa pamamagitan ng personal na pagboto sa PE o PCG o mail/postal voting.

Ang overseas absentee voting ay magsisimula 30 araw bago magsimula ang regular na halalan ngunit magsasara nang sabay-sabay sa mga lokal na botohan.

Maaari lamang bomoto ang kwalipikadong overseas voters para sa presidente, bise-presidente, 12 senador at isang party-list group at maaari silang bumoto sa pamamagitan ng koreo o bumoto nang personal sa 92 Philippine posts, embassies at consulates kung saan sila rehistrado.

Lumabas sa talaan ng Comelec, noong 2022 presidential elections, ay 1,697,215 ang registered overseas Filipino voters (OFVs) sa buong mundo.

Ito ay inaasahang tataas pa sa pagtatapos ng kasalukuyang voters registration sa Setyembre.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang kauna-unahang pagpapatupad ng pagboto sa internet para sa mga OFV sa 2025 ay nilayon upang mapataas ang voter turnout sa mga kababayan sa ibang bansa sa mas mababang gastos ng gobyerno.

Noong nakaraang May 9,2022 elections, mahigit P400 milyon ang gastos ng komisyon ngunit ang voter turnout ay 39 percent lamang at mas mababa pa kaysa nakaraang mga halalan.

(JOCELYN DOMENDEN)

55

Related posts

Leave a Comment