160K VOLUNTEERS IKINALAT SA 11K VAX SITES

0

SA unang araw ng pagsipa ng National Vaccination Days, tinatayang nasa 160,000 volunteers ang itinalaga sa 11,000 vaccination sites sa iba’t ibang panig ng bansa para sa tatlong araw na malawakang pagbabakuna kontra COVID-19.

Sa loob ng tatlong araw, target ng pamahalaan bigyang proteksyon laban sa nakamamatay na sakit ang hindi bababa sa siyam na milyong Pilipino sa hangaring mapabilis ang national vaccination program na pinangangasiwaan ng mga local government units (LGU).

“Handang-handa na po ang buong sambayanan sa ating Bayanihan, Bakunahan. Prepared na prepared na po ang ating National Vaccination Operations Center,” pahayag ni National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez, kasabay ng pagkilala sa mga LGUs na aniya’y nagpamalas ng determinasyon at sigasig na tuldukan ang peligrong dala ng pandemya.

Bilang tugon, nagpakalat din ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ng kanilang mga sasakyang ginamit sa paghahatid ng mga bakuna sa mga malayo at liblib na lugar.

Isinabak din ng Philippine Air Force ang kanilang air assets. Maging ang Philippine Navy, pinakilos naman ang kanilang mga sasakyang dagat kung saan isinakay ang mga hiringgilyang kailangan sa bakunahan.

Pagtitiyak ni Galvez, masusundan pa sa kalagitnaan ng susunod na buwan ang National Vaccination Days para aniya mabilis na maabot ng gobyerno ang target nitong proteksyon sa 70% ng populasyon ng bansa.

Pinag-aaralan na rin aniya ng pamahalaan ang pagtuturok ng booster shots para sa mga kabilang sa A4 category sa unang linggo ng Disyembre.

Nagsasagawa na rin aniya ang mga eksperto ng malalimang pagsasaliksik sa bagsik ng bagong tuklas na COVID-19 Omicron variant. (JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment