2 HVIs SWAK SA SELDA, NASAMSAM P410K DROGA

LUCENA CITY – Swak sa selda ang dalawang high value individuals (HVIs) drug personalities matapos makumpiskahan ng mahigit sa P400,000 halaga ng ilegal na droga sa buy-bust operation sa Brgy. Ibabang Iyam, sa lungsod na ito, noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang dalawang suspek na sina alyas “Adong”, 38, residente ng Brgy. 8, at alyas “Kevin”, 20 residente ng Brgy. Ilayang Iyam, Lucena City, kapwa nakatala bilang HVIs sa PNP drug watch list.

Isinagawa ng mga tauhan ng Lucena City Police Station, kasama ang mga operatiba ng PDEA-4A Quezon, PIB/QPDEU, Quezon Maritime Police Station, CIDG Quezon, at RIU- Quezon PIT, ang buy-bust operation dakong alas-2:50 ng hapon kung saan dumating ang mga suspek sakay ng Isuzu Crosswind.

Agad na dinakma ng mga awtoridad ang dalawang suspek matapos makipagtransaksyon sa police poseur buyers.

Nakumpiska sa dalawa ang mga sachet ng illegal drugs na may timbang na 20.1 grams at tinatayang may street value na P410,000.

Nasa kustodiya na ng Lucena PNP Custodial Facility ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Sections 5 and 11, Article 2 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

(NILOU DEL CARMEN)

153

Related posts

Leave a Comment