ANTIPOLO CITY – Patay ang isang managing director matapos na ang minamanehong bigbike motorcycle at isa pang motorsiklo ay banggain ng kasunod na Elf drop side truck sa Marcos Highway sa Brgy. Mayamot sa lungsod noong Huwebes ng umaga.
Binawian ng buhay bago mairating sa Antipolo Annex Mambugan Hospital ang biktimang si Lesley Tuazon, 47-anyos, residente ng Pasig City.
Ayon sa report, dakong alas-11:30 ng umaga, magkasabay na tumatakbo sa inner lane ang motorsiklong bigbike Ducati 1000cc ng biktima at ang isang Yamaha Sniper na minamaneho ni Chel Jone Merino, habang nasa outer lane naman sa kanilang tagiliran ang truck na biglang lumipat ng linya.
Nasalpok nito ang dalawang motorsiklo na parehong natumba sa highway.
Kapwa matinding napinsala ang dalawang rider na isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ang managing director.
Tumakas naman ang driver ng nakasagasang truck at hindi hinintuan ang dalawang biktima.
Patuloy ang follow-up investigation ng Antipolo Police at inaalam ang pagkakakilanlan ng driver ng nakasagasang truck. (NILOU DEL CARMEN)
62