KINUMPIRMA ng Philippine Coast Guard (PCG) na 26 ang namatay sa tumaob na M/B Princess Aya, habang 40 indibidwal ang nasagip sa isinagawang rescue and retrieval operation.
“Dalawampu’t anim na po ang kumpirmadong patay at 40 na po ang nakaligtas… retrieval operations na po, sapagka’t dun sa information na mayroon kami, wala na po doon sa surface at baka po na-trap na sa bangka,” pahayag ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo.
Ayon pa kay Balilo, may underwater personnel pa na magsasagawa ng operasyon upang alamin kung mayroong pang mga tao na na-trap sa ilalim ng bangka.
Sinabi pa nito, hindi pa rin malinaw kung ilan katao talaga ang sakay ng bangka nang ito ay tumaob dahil maging ang kapitan ng bangka ay hindi rin malaman kung ilan ang pinasakay ng kanyang crew.
“Sa ngayon po, tinatanong natin ang mga kamag-anak kung may nawawala pa,” dagdag pa nito.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang kapitan ng bangka na nanindigang hindi niya alam na overloaded ang bangka.
“Sana po mapatawad po nila ako sa trahedya po na nangyari, hindi ko naman po ginusto ‘yun. Sana po mapatawad nila ako,” sabi ng kapitan ng barko na si Donald Añain.
Sinabi rin ni Añain na talagang may sigwada ng hangin, at hindi na napigilan ang pagtagilid ng sasakyan
Sinisi rin niya ang kanyang crew dahil nagpasakay ng sobrang pasahero.
“Magpapa-manifest po ako ‘nun, sabi ko po hindi ako magsasakay ng madami. Hindi ko po alam, habang naglalakad ako papuntang coast guard, may sumasakay pa po nang sumasakay,” paliwang ni Añain.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, umalis ang bangka sa Port of Binangonan papuntang Talim Island nang hampasin ng malakas na hangin.
Nag-panic ang mga pasahero at nanatili sa kaliwang bahagi ng bangka dahilan para ito tumagilid at tuluyang tumaob.
Pinayagan namang makapaglayag ang bangka dahil wala nang storm signal sa lugar.
Sa pinakahuling impormasyon mula sa PCG, 42 katao lamang ang maximum capacity ng bangka ngunit sinasabing 70 katao ang sakay nito nang mangyari ang trahedya.
Sa nasabing bilang naman ng mga nasawi, 12 rito ang hindi pa nakikilala o unidentified.
Samantala, apat na PCG rescuers ang pinaghahanap matapos na tumaob ang kanilang aluminum boat sa karagatan sakop ng Abulug, Cagayan.
Base sa ulat, papuntang M/Tug Iroquis (21 nautical miles mula sa Aparri) ang apat na rescuers upang sagipin ang mga tripulanteng sakay ng naturang tugboat.
Habang binabaybay ang dagat, tumaob ang aluminum boat dahil sa malakas na hangin at malalaking alon sa kasagsagan ng Bagyong #EgayPH.
Agad nagsagawa ng search and rescue (SAR) operation ang PCG ngunit pansamantala itong itinigil dahil sa sama ng panahon.
Nakatakda nang magpadala ng Coast Guard Aviation Force (CGAF) helicopter sa naturang katubigan para makatulong sa paghahanap sa apat na PCG rescuers.
(RENE CRISOSTOMO)
156