SIMULA nitong Biyernes ng madaling araw, inilagay na ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa full alert status ang buong hanay ng pulisya at militar para sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 sa Lunes.
Kasunod nito, todo alerto na ang mahigit 300,000 pwersa ng pulisya at militar sa iba’t ibang panig ng bansa para tiyaking ligtas, maayos, at mapayapa ang nalalapit na halalan.
Nabatid na nagtatag ng isang multi-agency task group na binubuo ng 494,662 tauhan ng Department of Education, 187,000 personnel mula PNP habang 117,585 naman ang ambag ng AFP, at 30,300 kagawad ng Philippine Coast guard ang itinalaga para tumupad sa COMELEC duty sa buong bansa.
Pinangunahan ni PNP chief, P/Gen. Benjamin Acorda Jr. ang pagpapasinaya sa Monitoring and Action Center sa Kampo Crame na sinimulang nang imobilisa para matutukan ang lahat ng mga kaganapan na may kaugnayan sa BSKE 2023.
Kasunod nito, nagsagawa ng inspeksyon si Acorda sa iba’t ibang estratehikong lugar sa Metro Manila para alamin ang sitwasyon gayundin ang ginagawang mga paghahanda hindi lamang para sa gaganaping eleksyon kundi maging sa paggunita ng Todos Los Santos at All Souls Day.
Paalala pa ni Acorda sa mga pulis, ipinatutupad na ang ‘No day off, No leave policy’ sa layuning masiguro na matagumpay na maidaraos ang magkasunod na aktibidad sa bansa.
(JESSE KABEL RUIZ)
