ARESTADO ng mga operatiba ng Sta. Ana Police Station 6 ng Manila Police District, sa ikinasang “Oplan Galugad” at Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ang lima mula sa anim na nanloob at nangholdap sa e-cigarette vape shop, sa sunod-sunod na follow-up operation sa Sta. Ana, Manila.
Makaraan ang dalawang araw, natimbog ang mga suspek na kinilalang sina Mark Benjo Jose Macapagal, 29, buy and sell agent; Steven Astronomo, 22, service crew; Jeremaicah Cruz, 33, online seller; Paul Joseph Hermoso, 37, jobless; at Vicente Trasmil III, 40, jobless, habang patuloy na tinutugis ang isa pa nilang kasama.
Isinagawa ng mga awtoridad sa pangunguna ni Police Major Edwin Malabanan, hepe ng Follow-Up Unit and Intelligence Section, noong Hulyo 26 ang sunod-sunod na pag-aresto sa mga suspek makaraang makita sa CCTV footage ang get-away vehicle na ginamit ng mga ito.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang .45 kalibreng baril na may anim na bala.
Magugunitang noong Lunes ng gabi, Hulyo 24, nang looban ng mga suspek na nagpakilalang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang vape shop sa ika-2 palapag ng gusali sa Tejeron Street, Sta. Ana, Manila.
Tinutukan ng mga ito ang mga saleslady ng vape shop at tinangay ang mga produkto at cash na umabot sa halagang P1,844,730.
Pagkaraan ay tumakas ang mga suspek lulan ng Toyota Innova na may dalawang magkaibang plaka.
(RENE CRISOSTOMO)
338