TULUYAN nang ipinasibak sa serbisyo ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang walong pulis na isinasangkot sa pagpatay sa teenager na si Jemboy Baltazar na sinasabing biktima ng mistaken identity sa Navotas City.
Inirekomenda ni PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo ang pagsibak sa walong police officers, kabilang ang dalawang team leaders nila.
Nabatid na kabilang sa pinagbasehan ng nasabing rekomendasyon ang pag-amin ng anim na pulis na lahat sila ay nagpaputok ng baril sa direksyon ng 17-anyos na si Jemboy.
Samantala, sa paliwanag ng IAS, ang 2 team leaders na inirekomendang isama sa sisibakin sa serbisyo ay napatunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin na nagresulta sa kamatayan ni Jemboy.
Matatandaang una nang tinanggal sa pwesto ni NCRPO Director PBGen. Melencio Nartatez, ang hepe ng Navotas City Police na si P/Col. Allan Umipig dahil sa isyu ng ‘command responsibility’ maging ang hepe ng Station Investigation Section ng Navotas Police na si Capt. Juanito Arabejo at chief clerk na si Chief Master Sgt. Aurelito Galvez .
Magugunitang hindi pa nakalilimutan ng sambayanan ang pagpatay ng anim na pulis Navotas sa binatilyong si Jemboy Baltazar, ay panibagong kaso ng pamamaslang na naman ng mga pulis ang nangyari sa isang 15-anyos na si John Frances Ompad sa Rodriguez, Rizal.
Pinaslang si Ompad, ilang linggo lang pagkatapos mangyari ang insidente ng pagpatay ng mga pulis kay Baltazar dahil sa ‘mistaken identity’.
Katulad ni Baltazar, si Ompad ay nadamay lang din matapos makarinig ng magkakasunod na putok sa labas ng kanilang bahay.
Base sa resolusyong inihain sa Senado kaugnay sa isinusulong na imbestigasyon hinggil sa human rights violation, tinatayang aabot sa 129 na mga kabataan ang napaslang sa pagitan ng 2016 at 2020, sa bilang na ito, 40 percent ng child killings ay kagagawan ng mga pulis habang ang natitira sa bilang ay gawa ng hindi pa kilalang mga suspek pero ang iba ay may direktang link o iniuugnay sa mga pulis. (JESSE KABEL RUIZ)
386