AMERICAN CONTENT CREATOR DINUKOT SA ZAMBOANGA DEL NORTE

TINUTUGIS ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Marines, Philippine Army at Philippine National Police ang armadong kalalakihan na tumangay sa content creator na isang American national sa Sibuco, Zamboanga del Norte noong Huwebes ng gabi, ayon sa Police Regional Office 9 (PRO-9).

Apat na armadong kalalakihan na pawang nakasuot ng itim at nakamaskara ang pwersahang tumangay kay Elliot Onil Eastman mula sa Hinesborg, Vermont, United States, may dalawang daang metro lamang umano ang layo sa isang military outpost sa bayan ng Sibuco.

Ayon kay Police-Zamboanga Peninsula Director Brigadier General Bowenn Joey Masauding, nangyari ang pagdukot bandang alas-11:00 ng gabi sa Sitio Tungawan, Barangay Poblacion ng apat na suspek na pawang amado ng M16 rifles.

Ayon sa inisyal na report na ibinahagi ni Sibuco Police chief Joseph Villarino si Eastman, ang content creator ay puwersahang tinangay ng mga suspek na hinihinalang posibleng mga kasapi ng Abu Sayyaf Group na nagpakilalang mga pulis, mula sa bahay ng kanyang ginang.

Nagawa pa umanong makapiglas ng biktima subalit nabaril ito sa binti ng mga suspek at pwersahang isinakay sa isang motor boat na hinihinalang patungo sa direksyon ng Sulu o Basilan.

Limang buwan nang nasa Pilipinas ang American national na kasal sa isang Pinay, ayon sa imbestigasyon.

Wala pang natatanggap na impormasyon ang mga awtoridad sa posibleng ransom o demand kaugnay ng pagkidnap sa American national. (JESSE KABEL RUIZ)

280

Related posts

Leave a Comment