PATAY ang 38-anyos na building maintenance staff nang bumulusok sa ground floor ang nagkaaberyang elevator sa isang gusali sa panulukan ng Claro M. Recto Avenue at Tomas Mapua Street, Sta. Cruz, Manila noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Joseph Abellera, may asawa, at residente ng Caloocan City.
Base sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District – Homicide Section, bandang alas-7:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa nasabing lugar.
Ayon sa isang kasamahan ng biktima, huling nakitang buhay si Abellera dakong alas-4:00 ng hapon habang kinukumpuni ang may diperensiyang elevator mula sa ika-8 palapag ng gusali
Nagulat na lamang ito nang makarinig ng sigaw hanggang sa may malakas na kumalabog sa ground floor. Mabilis niyang tinungo ang ground floor at nakitang duguan ang biktima.
Mabilis na isinugod ng ilang kasamahan si Abellera sa Jose Reyes Memorial Medical Center subalit idineklara itong dead on arrival.
Masusing iniimbestigahan ni Det. Sir Joseph Christian Pineda ang insidente upang mabatid kung may nangyaring foul play sa insidente. (RENE CRISOSTOMO)
418