COVID TF NI VINCE DIZON MILYONES UTANG SA INC

NABABAON na sa utang ang Task Force COVID-19 sa pamunuan ng Iglesia ni Cristo dahil sa hindi umano nabayaran ang mga pagkain, kuryente at iba pang gastusin sa itinayong Mega Quarantine Center sa Philippine Arena, may dalawang taon na ang nakararaan.

Sa kabila umano nito, wala kahit isa sa mga opisyal ng task force ang nagpapadala man lang ng mensahe sa pamunuan ng INC upang alamin kung paano mababayaran ang milyong pagkakautang ng pamahalaan.

Kung matatandaan, ipinagmalaki ni National Task Force Against COVID-19 chief deputy implementer Vince Dizon ang tatlong malalaking tents na itinayo sa Philippine Arena complex sa Ciudad de Victoria sa Bocaue, Bulacan.

May 300-bed healthcare facilities, proyekto ito sa pamamagitan ng public-private sector partnership.

Masama naman ang loob ngayon ng ilang namamahala sa INC dahil ang grupo ni Dizon, bilang isa sa pangunahing nakipag-ugnayan sa kanila, ay hindi pa rin inaasikaso ang pagbabayad sa atraso.

Sa halip, naririnig na nila ang pangalan nito ngayon bilang kapalit umano ni Transportation Sec. Arthur Tugade sa papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

Matatandaang naglabas ng pahayag ang transparency group na Filipino League of Advocates for Good Governance (FLAGG) upang balaan si Marcos sa posibleng pagkuha kay Dizon bilang miyembro ng Gabinete.

Ayon sa FLAGG, mas maraming epektibong personalidad ang maaari pang makatuwang ng Marcos administration kumpara kay Dizon na kasalukuyan ding presidente at chief executive officer ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Nagagalit ang FLAGG dahil hindi pa man isinasagawa ang formal announcement ng Marcos camp ay nagyayabang na agad si Dizon bilang bagong transportation secretary.

Ibinibida umano ni Dizon na ang padrino niya sa kampo ni Marcos ay ang business tycoon na si Enrique ‘Ricky’ Razon na isa sa malaking ‘campaign contributor’ kaya hindi nito maaaring tanggihan ang multi-billionaire na negosyante.

“Parehong ginagasgas ni Dizon ang pangalan nina President-elect Marcos at Ricky Razon na hindi naman dapat!” sabi pa ng FLAGG.

Binigyang-diin ng FLAGG na marami pang epektibong opisyales ng pamahalaan ang maaaring makatulong ng Marcos administration maliban kay Dizon na sinasabing sangkot din sa P50 million cauldron scam sa nakalipas na Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) noong 2019.

Si Cayetano ang chairman ng PHISGOC at si Dizon naman ang pinuno ng BCDA.

Ang dalawa ang pinakamalaking supporter at campaign contributor ni Isko Moreno nitong nakalipas na eleksyon.

“Bayaran muna niya ang utang sa INC bago siya magyabang na maging DOTr secretary,” sabi naman ng isang negosyante na tumangging magpabanggit ng pangalan. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

Related posts

Leave a Comment