CYBER LIBEL ISINAMPA VS HEALTH ADVOCATE DOCTOR

NAHAHARAP sa kasong cyber libel ang public health advocate na si Dr. Anthony C. Leachon matapos ireklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y akusasyon nito laban sa kumpanyang Bell-Kenz Pharmaceuticals Inc.
Inihain ang kaso sa tanggapan ng NBI Cybercrime Division sa pamamagitan ng mga legal counsel ng Bell-Kenz.
Sinabi ni Atty. Dezery Perlez, Bell-Kenz Pharma, Inc. legal counsel at spokesperson, malisyoso at walang basehan ang mga paratang ni Leachon sa kumpanya kabilang na ang umano’y “multi-level marketing scheme” nito.
Ayon pa sa legal counsel ng kumpanya na ang social media post ni Dr. Leachon kabilang ang umano’y pag-recruit ng kumpanya sa ilang doktor para i-reseta ang kanilang mga produktong gamot kapalit ng regalong luxury car at biyahe sa ibang bansa ay malisyoso at walang basehan.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Atty. Joseph Vincent Go, Legal Counsel din ng Bell-Kenz na nakasira sa integridad at operasyon ng kumpanya ang mga akusasyon laban dito.
Maging ang kanilang mga produkto at mga gamot ay nadamay na rin aniya sa kontrobersya ng walang basehang akusasyon.
Una nang humarap sa Senado ang mga opisyal ng kumpanya para sa ikinasang imbestigahan sa naturang akusasyon.
Kasabay ng pagtanggi sa mga paratang, idiniin ng mga abogado ng Bell-Kenz Pharma na ito ay isang “law-abiding pharmaceutical entity” at sumusunod sa lahat ng regulasyon ng gobyerno. (PAOLO SANTOS)

277

Related posts

Leave a Comment