BATANGAS – Patay ang isang 25-anyos na lalaki matapos saksakin ng lalaking karelasyon din umano ng kanyang live-in partner na babae sa Brgy. Halang, sa bayan ng Taal sa lalawigan noong Huwebes ng gabi.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Jimuel Soriano, tubong Angeles, Pampanga at residente ng Brgy. Cawit, Taal.
Ayon sa report ng Taal Police, dakong alas-7:00 ng gabi, kasabay ng biktima na naglalakad ang kanyang 20-anyos na live-in partner nang harangin sila ng suspek na si alyas “Rodel”, 36, na umano’y karelasyon din ng babae.
Kinompronta nito ang biktima at pagkaraan ay biglang naglabas ng patalim at inundayan ito ng saksak.
Nagtangkang tumakbo ang babae ngunit hinabol ito ng suspek at sinaksak din.
Pagkaraan ay tumakas ang suspek ngunit agad nadakip ng mga pulis.
Isinugod ang dalawang biktima sa Batangas Provincial Hospital sa Lemery subalit hindi umabot nang buhay ang lalaki.
Nakakulong na ang suspek sa Taal Police Station lock-up cell at nahaharap sa kasong homicide at frustrated homicide. (NILOU DEL CARMEN)
55