NAMAHAGI na ang Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ng Noche Buena package sa mga residente bilang bahagi ng “Pamaskong Handog” ni Mayor Imelda Aguilar sa lahat ng Las Piñeros.
Sa kaugnay na proyekto ni Mayor Aguilar, agad tumugon sa panawagan ng alkalde si Vice-Mayor April Aguilar na mag-ikot sa 20 barangay sa lungsod upang personal na ipamahagi ang Christmas gifts sa kanilang kababayan.
Ang ‘Pamaskong Handog” ng Aguilar ay inilagay sa loob ng mga plastic canister na naglalaman ng spaghetti packs, fruit cocktails, dalawang kilo ng bigas at iba pa na makatutulong sa mga residente na magkaroon sila ng maihahanda sa hapag sa araw ng Pasko.
Sinabi ni Vice-Mayor Aguilar na ang pamamahagi ng ‘Pamaskong Handog’ ay isinagawa sa mga piling covered court mula sa 20 barangay sa lungsod.
Inihayag pa ng bise-alkalde na ang alkalde ay tumatayong totoong ina ng lahat ng Las Piñeros, na nais mapasaya ang mga senior citizens, persons with disability (PWDs) at ang mahihirap na residente sa lungsod ngayong Kapaskuhan.
Idinagdag pa ni Vice-Mayor Aguilar na bukod sa pamamahagi ng Pamaskong Handog, nais din ng alkalde na sa pamamagitan niya ay maikalat ang pagmamahal sa lahat ng Las Piñeros. (DANNY BACOLOD)
378