MERALCO TINIYAK ANG TULUY-TULOY NA SERBISYO NG KURYENTE NGAYONG SEMANA SANTA

Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco), sa pangunguna ni Manuel V. Pangilinan, ang ligtas, maaasahan, at tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente ngayong Semana Santa.

Handang rumesponde ang mga crew ng Meralco ngayong Semana Santa sa anumang posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente ng mga customer.

“Kaisa kami ng sambayanan sa ligtas at taimtim na paggunita ng Semana Santa. Bilang isang 24/7 na kumpanya, handa ang aming mga crew na rumesponde sa anumang maaaring maging alalahanin sa serbisyo ng kuryente ng mga customer,” ani Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.

Kasabay ng paggunita ng Semana Santa ngayong tag-init, pinaalalahanan din ng Meralco ang publiko na ugaliin ang ligtas, matalino, at masinop na paggamit ng kuryente. Narito ang ilang paalala:

  • Tanggalin sa pagkakasaksak ang mga appliance na hindi ginagamit
  • Iwasan ang “octopus connection” o ang pagdudugtong-dugtong ng mga extension cord sa isang power outlet dahil maaari itong magdulot ng sunog at iba pang aksidente
  • Huwag ilagay ang mga wire at cord sa ilalim ng mga basahan o carpet dahil maaari itong masira lalo na kung laging natatapakan
  • Ugaliing iligpit ng maayos ang mga kable lalo na kung hindi ginagamit at tiyaking hindi nababasa ang mga appliance at mga gadget
  • Ilayo sa tubig ang mga appliance at de-kuryenteng mga kagamitan

Hinihikayat din ng Meralco ang mga customer nito na gamitin ang Appliance Calculator sa My Meralco app upang mas mabantayan ang kanilang konsumo ng kuryente.

Bagama’t pansamantalang magsasara ang mga Meralco Business Center mula ika-17 ng Abril (Huwebes Santo) hanggang ika-20 ng Abril (Linggo ng Pagkabuhay), maaaring makipag-ugnayan ang mga customer sa pamamamagitan ng My Meralco app o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211 at 8631-1111.

Lahat ng Meralco Business Center ay magbabalik operasyon sa ika-21 ng Abril (Lunes).

30

Related posts

Leave a Comment