CLICKBAIT ni JO BARLIZO
KAPAG gipit, kahit saan kakapit para makasingit.
Inendorso na ni VP Sara sina Senator Imee Marcos at House Deputy Speaker Camille Villar.
Kaya naman biglang umugong na may namumuong tensiyon na sa kampo ng PDP-Laban.
Malamang kasi na malaki epekto nito sa tsansa ng ilang kandidato ng partido ng mga Duterte gaya nina Dante Marcoleta, Philip Salvador, at ooops, isali na si Jimmy Bondoc na nasa ilalim ng karera.
Kasi, dahil sa indorso ni Sara kina Imee at Camille, ay mananatiling kulelat ang tatlong nabanggit na kandidato.
Naku, tila nilaglag ni Sara ang PDP-Laban. Baka sina Bong Go at Bato dela Rosa lang ang makalusot. Pano naman ‘yung iba?
Si Go kasi kumakapit sa Malasakit at si Bato? Kayo na ang humusga.
Desperado na si Camille, tulad ni Imee.
Nasa puwitan ng mga survey ang dalawa kaya may posibilidad na kapwa sila matalo sa halalan sa Mayo. Hindi kaya umubra ang hanggang langit na nagagasta na ng dalawang babaeng kandidato?
Sa survey tayo. Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, pang-17 si Imee habang pang-14 si Camille at naungusan pa siya ng laos na si Ipe.
Maliwanag na walang amor ang mga botante sa dalawang miyembro ng Nacionalista Party. Kaya kumapit at kinuha ng dalawa ang endorsement ni Sara Duterte.
May “Itim” campaign ad si Imee. ‘Yung uniteam naging unitim na rin. Nakabalandra naman sa social media ang isang picture na magkakasama sina Camille, Sara, at Manny habang nasa likuran nila ang green screen.
May pakulo bang niluluto si Camille? Sa kandidato na gustong maluklok sa puwesto ay kailangang may paninindigan at prinsipyo. Kaso, gusto lang ata nilang manalo, pero mulat na ang ibang botante na ayaw sa kandidato na dumadapo sa ibang pugad kahit mayroon nang tinitirhan.
Teka, baka lalong lumubog ang dalawa sa paligsahan ng marka sakaling kumuha ang Alyansa ng ibang kandidato, na malamang na umangat pa ang tsansa na manalo.
Ayan, sa mga hindi tapat, may katapat ang walang katapatan – ‘yan ay kabiguan.
