KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI
HOLY WEEK. Nagsimula nitong Lunes ang aking penitensya sa susunod na isang linggo. Nilimitahan ko ang oras sa aking pagsilip sa Facebook. Kapag may mahalagang kaganapan lang na kailangang humagilap ng impormasyon, saka lang ako magbubukas.
Sa Facebook lang kasi madaling makakuha. Dahil ang mga awtoridad ay madalas na dinodoktor muna o pinagaganda ang report bago nila ilabas.
Kwidaw nga lang sa pamumulot ng anoman sa Facebook at baka makuryente. Mas marami pa kasi ang post ng mga Marites na may kanya-kanyang nililikhang anggulo na kapag tatanga-tanga ang makababasa ay aakalain na totoong-totoo.
##########
Paalala sa mga kandidato. Bawal ang mangampanya sa Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Pero ‘yung ibang lokal na kandidato, ‘yung mga walang pangilin at Hudyo, diretso pa rin sa kampanya. Kahit ‘yung mga nagbabasa ng pasyon ay hindi pinatatawad. Totoka silang magpapakain pero habang nagbibigay ng pagkain, nakasuot naman ng campaign shirt na may numero pa ng kandidato.
Pakiusap, ‘wag na kayong magsisingit pa ng campaign jingle sa pagbabasa ng pasyon na may sound system para dinig ng buong barangay. Tatamaan na kayo ng kidlat!
Sana, ‘yung mga korap na politiko ay magpenitensya. Lumakad nang paluhod sa simbahan at magsisi sa ginagawang mga panderekwat sa salapi ng taong-bayan
Pero huwag nang magbubuhat ng krus at baka tamaan din ng kidlat. ‘Yung maghahampas na lang sa likod. Tiyakin nyo lang na hindi makasisingit ng hampas ang kalaban niyo o alipores niya at baka may tetano ang ipalo sa inyo.
Pero sana, sa buong Holy Week, wala munang siraan at batikalan ng putik ang magkakalaban. Mangilin naman ang mga kandidato at kanilang mga alipores. Igalang naman ninyo ang mga santong araw.
##########
Muli akong nakarinig ng boladas na pangako ng mga kandidatong senador para makasungkit ng boto. Ang Senado ang humuhubog ng mga polisiya at batas ng estado sa tutunguhing direksyon ng bansa.
Hindi ko na ibubulgar ang pangalan ng kandidato dahil ayaw kong mang-insulto ng kapwa lalo na ngayong santong araw. Natatawa na lang ako at napaiiling habang nanonood at nakikinig. Dahil siguro sa magkakahalong komedya, pagtatanong at ngitngit sa mga pumapasok sa aking taynga. At siguro, dahil Semana Santa, habang nakikinig ako (para akong nagpepenitensya), nagdadasal na rin ako na sana, sana… ay MATALO ang mga kandidatong pinanonood ko.
##########
Grabe na ang bumabahang pera ngayong nasa huling yugto na ang kampanyahan sa labanang senador. Pero ang nananalasa sa kwarta ay hindi ang mga tradisyunal na lider politiko sa apat na sulok ng bansa.
Ang tumatabo ng pera ay ang mga may batalyon ng trolls sa Facebook. ‘Yung sa isang iglap lang ay pwedeng magpakalat ng mga paborableng balita o anomang impormasyon na positibo sa kandidato dahil may pambayad ng ads kay Meta.
Lintik din ang kinikita ng vloggers, social media influencers na kahit peke ang impormasyon na popogi ang kandidato at papangit naman ang ibang tinatarget ay ipo-post pa rin dahil may pambayad din kay Meta. Hindi na baleng magpabalik-balik sila sa imbestigasyon ng Kongreso basta’t binabagyo sila ng datung.
At ang pinaka-dyakpot ay ang mga nasa likod ng mga pumaparadang poll survey. Nitong mga huling araw ay bigla na lamang nagluluksuhan sa itaas ng mga survey ang mga kandidatong senador ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
‘Wag sabihing dahil naawa ang taong-bayan sa kanyang mga kandidato dahil sa pagkakaaresto at pagkakakulong niya sa piitan ng International Criminal Court sa Netherlands?
Dahil lumalabas din sa isang survey na anim sa bawat sampung Pilipino ang pumapabor na litisin siya ng ICC dahil sa malawakang “extra judicial killings” sa panahon ng kanyang administrasyon. Ibig sabihin, pabor ang mayorya sa mamamayan sa sinapit ngayon ni Digong.
Hindi ko naman nilalahat ang survey companies. Pero ang karamihan sa mga pinangangalandakang resulta ay halatang minadyik lang. “Surbey lamesa” kung bansagan kahit pa may regulasyon sa kanila ang Comelec. Kung sino ang mas malaki ang bayad, siya ang nasa kaitaasan. Pera ang nagdedesisyon sa resulta ng survey. Ito ang kalakaran.
Isa itong malaking hamon sa bawat Pilipino na may pagpapahalaga sa direksyon ng bansa. Huwag tayong magpalinlang sa poll surveys. Isa itong pamamaraan ng mga kandidato upang ikondisyon ang utak ng mga botante dahil ang karamihan sa atin ay itinuturing pa rin ang halalan na parang isang sugal. Na ang iboboto ay ‘yung sikat at llamado kahit na bobo at wala namang alam sa mga gawain ng tinatarget na posisyon.
Bukod sa madyik ng poll surveys, mas lalong mabalasik ang gayuma ng salapi sa nanunungkulang opisyal ng gobyerno upang kaliwa’t kanang iendorso ang kandidatura ng maperang aspiranteng senadora. ‘Yung iba nga ay itinaas pa rin ang kanyang kamay kahit pa siya ay nasa kabilang Partido. Basta’t kwarta, kahit garapalan!
Kaya sa araw ng eleksyon, nasa kamay natin ang pinal na pagpapasya sa pamamagitan ng ating sagradong balota. Iboto natin ang kandidato hindi batay sa kanyang ranggo sa election surveys kung hindi ayon sa resulta ng ating matalinong pagsusuri. Nakataya ngayong halalan ang kinabukasan ng ating bansa gayundin ng ating mga anak. Sumumpa tayo na ang ating iboboto ay ‘yun lang matapat at nararapat sa kanyang hinahangad na posisyon. Gagabayan tayo ng Panginoong Diyos.
