PINAGTIBAY ng Office of the Ombudsman ang kautusan nitong nagtatanggal sa serbisyo kay dating Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Director Demosthenes R. Escoto dahil sa umano’y iregularidad sa paggawad ng P2-bilyong kontrata para sa vessel monitoring system (VMS) project noong 2018.
Naunang kinasuhan ng Ombudsman sina Escoto, dating Agriculture Usec. at BFAR National Director Eduardo B. Gongona, at British national na si Simon Tucker. Nahaharap ang tatlo sa dalawang bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” at tig-isang bilang ng paglabag sa Sections 3(g) at 3(j) ng parehong batas.
Sa 8-pahinang joint order na pirmado ni Ombudsman Samuel R. Martires, ibinasura ang mosyon para muling pag-aralan ang kaso ni Escoto kaya nananatili ang naunang resolusyon at desisyon noong Pebrero 5, 2024.
Ayon sa Ombudsman, mahalaga ang ginampanang papel ni Escoto—malaki man o maliit—sa pagpapatupad ng planong nagresulta sa pag-award ng kontrata sa United Kingdom-based SRT Marine Systems Solutions Ltd. (SRT-UK).
Sinibak si Escoto matapos mapatunayang guilty sa grave misconduct. Dahil dito, itinalaga ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr. si Isidro Velayo, Jr. bilang officer-in-charge ng BFAR.
Nag-ugat ito sa papel ni Escoto bilang chair ng BFAR Bids and Awards Committee (BAC) kung saan lumitaw ang mga iregularidad at kawalan ng pagsasaalang-alang sa interes ng publiko.
Sa ilalim ng liderato ni Escoto bilang BAC chair, naigawad ang kontrata sa SRT-UK para sa Integrated Marine Environment Monitoring System Project Phase 1 o PHILO Project.
Layunin ng PHILO Project na maprotektahan ang yamang-dagat at labanan ang ilegal na pangingisda sa exclusive economic zone ng bansa, gamit ang VMS para sa mga komersyal na sasakyang pandagat na may bigat na higit sa 30 gross tons. Bahagi ng proyekto ang pagbili ng transmitters at transceivers.
Ang proyekto ay dapat pondohan ng P1.6-bilyong utang mula sa French government. Gayunpaman, noong 2017, nang manalo ang SRT-France, subsidiary ng SRT-UK, sa bidding, ito ay nadiskwalipika dahil sa pagiging British-owned at kawalan ng manufacturing facilities sa France.
Nabigo ang kasunduan sa France at noong 2018, nanalo sa panibagong bidding ang SRT-UK, na may mas mataas nang badyet na P2.09 bilyon, na lokal nang pinondohan.
Natuklasan ng Ombudsman na si Escoto, bilang opisyal, ay nagbigay ng “hindi makatuwirang pabor” sa SRT-France at SRT-UK. Kahit diskuwalipikado ang SRT-France, pinayagan ito ni Escoto na sumali sa bidding at mapabilang sa post-qualification.
Bagamat kinansela ang kontrata sa SRT-France, itinuring ng Ombudsman na ang mga aksyon ni Escoto ay labag sa batas at mga panuntunan, dahilan upang maipasa ang kontrata sa SRT-UK na nagresulta sa mas mataas na gastusin para sa pamahalaan.
Sa halip na 3,736 units ng VMS transceivers, inobliga ni Escoto ang gobyerno na bumili ng 5,000 units—isang desisyong pumabor nang husto sa SRT-UK at nagdulot ng malaking pinsala sa kaban ng bayan.
Si Escoto ay maraming beses napatawan ng contempt of court dahil sa patuloy na pagpapatupad ng Fisheries Administrative Order 266 kahit may permanent injunction laban dito ang Regional Trial Court Malabon. Kaakibat ng dismissal ni Escoto ang mga parusang tulad ng pagkakansela ng civil service eligibility, pag-forfeit ng retirement benefits, panghabambuhay na diskwalipikasyon sa pampublikong opisina, at pagbabawal sa pagkuha ng anumang civil service examination.
Kung hindi maipatutupad ang dismissal dahil sa naunang pag-alis sa serbisyo, papalitan ito ng multang katumbas ng isang taong suweldo na babayaran sa Ombudsman. Ang multa ay maaaring kaltasin mula sa retirement benefits, accrued leave credits o iba pang receivables ni Escoto.
“Itong kasunduan ay labis na nakakasama sa pamahalaan at sobrang paborable sa SRT-UK,” ayon sa Ombudsman.
1