DAPAT palitan ang mga palpak na distribution utility at electric cooperatives.
Ito ang hinaing ng Bantay Kuryente, Konsyumer at Kalsada o BK3. Ang BK3 ay isang organisasyon na naglalayon makita ang pag-unlad ng Pilipinas.
Ayon kay Professor Louie Montemar, Convenor ng grupo, sobrang pahirap na sa mamamayan ang walang puknat na kapalpakan ng madaming kooperatiba at distribution utility na puro pahirap na lang ang dala sa mamamayan.
Anila noong Abril, ay umabot na sa pagdeklara ng state of calamity ang Mindoro Occidental dahil sa lumalalang krisis sa kuryente. Halos buong araw ay walang serbisyo kaya’t dapa ang ekonomiya doon.
Hindi nag-iisa sa problemang ito ang nasabing probinsya. Marami ring mga lokal na pamahalaan ang gumagawa na nang mga agresibong pagkilos laban sa electricity providers bunsod ng dumadami at lumalakas na reklamo ng kanilang mga nasasakupan, ayon sa grupo.
Isa pang halimbawa ay ang petisyon ng 20,000 mamamayan ng Nasugbu sa lalawigan ng Batangas na Meralco na lamang ang magpatakbo ng kanilang serbisyong pangkuryente dahil bukod sa mahal ang singil, sobrang perwisyo na umano ang naranasan nila sa sama ng serbisyo ng kanilang kasalukuyang distribution utility.
Dagdag ng BK3, malaki ang economic impact ng mga isyung ito. Mahalaga ang papel ng kuryente sa pagtakbo ng ating ekonomiya – mula sa mahal na presyo ay dumadagdag pa sa bigat ng mga bilihin, hanggang sa epekto ng mga power interruptions na ang hagupit at pahirap ay sa mga tahanan, komersyo at mga industriya.
Ang maayos na supply at serbisyo ng kuryente ani ng BK3, ay isang mabisang suporta sa pagpapalago ng ating mga industriya lalo na ng manufacturing at turismo.
Dapat bigyan ng pansin anila ang suliraning ito ng ating gobyerno. Kailangang masiguro na maayos ang serbisyo at may tunay na kakayanan ang ating mga electric service providers para maging instrumento ng tuloy-tuloy na pagsulong ng ating ekonomiya, at ng ating bansa.
Hindi lamang sa Meralco areas dapat natatamasa ang maayos na serbisyo at murang halaga ng kuryente. Dapat ito ay maibigay sa buong kapuluan upang ang kaunlaran ay maranasan din lalo sa mga lugar na bagsak ang antas ng pamumuhay.
461