PAGDADALA NG ARMAS NG MEDIA OK SA CHIEF PNP

SUPORTADO ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Benjamin Acorda Jr., ang pagdadala ng armas ng mga kasapi ng media bilang proteksyon sa kanilang propesyon.

Tugon ito kahapon ng PNP chief matapos pangunahan ang pagbubukas ng PNP Press Corps First Invitational Shootfest sa Camp Karingal, Quezon City na pinangunahan ng tagapangulo ng PNP Press Corps na si Mar Gabriel.

Ipinahayag ni Gen. Acorda na lubhang importante na protektahan ng mga mamamahayag ang kanilang sarili sa mga bantang dulot ng kanilang propesyon sa pamamagitan ng responsible gun handling.

Kaya aniya, bibigyan ng PNP ng espesyal na akomodasyon ang mga miyembro ng media sa pagkuha ng mga kaukulang lisensya para makapagpadala ng armas.

Pahayag pa ni PNP Press Corps President Mar Gabriel, bukod sa isang fund raising activity, layon din ng aktibidad na mapahusay ang kakayahan ng mga miyembro ng media na ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga banta sa pamamagitan ng responsableng paggamit ng baril.

Kaugnay ng nasabing shootfest na bukas para sa mga miyembro ng media at gun enthusiasts, maaari ring samantalahin ang on-site caravan sa pagproseso ng renewal o bagong aplikasyon ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF).

Nabatid na pinag-aaralan din ng PNP kung pwedeng ibaba ang fee sa Permit to Carry Firearms (PTC) para sa mga miyembro ng media upang maging ka-presyo ng binabayaran para sa mga tauhan ng gobyerno.

Ang aktibidad na isinasagawa sa shooting range ng Camp Karingal, ay isang Level 1 Philippine Practical Shooting Association (PPSA)-sanctioned match na may limang stage at 120 round para sa handgun at pistol caliber carbine (PCC).

(JESSE KABEL RUIZ)

132

Related posts

Leave a Comment