PAHAYAG NI ALICE GUO NA WALANG PINOY NA TUMULONG SA KANILANG MAKATAKAS SA BANSA, HINDI KAPANI-PANIWALA

HINDI kumbinsido sina Senador Sherwin Gatchalian at Senate President Francis Escudero sa pahayag ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na walang Pilipinong tumulong sa kanya para makatakas palabas ng bansa.

Sinabi ni Gatchalian na imposibleng makalabas ng bansa nang walang sinumang tutulong sa kanila bukod sa isa anyang nag-facilitate ng kanilang biyahe mula sa pagsakay ng yate at paglipat ng barko bago nakarating sa Malaysia.

Sa susunod anyang pagdinig, iisa-isahin niya ang naging inconsistencies sa mga pahayag nina Alice at Shiela kaugnay sa naging pagtakas nila sa bansa.

Nanindigan din si Gatchalian na matibay ang kanilang mga hawak na dokumento kaugnay sa mga pumasok at lumabas na pera sa account ng kumpanya ni Alice Guo at sa kanyang personal na account upang madiin siya sa kanyang partisipasyon sa operasyon ng POGO sa Bamban, Tarlac..

Bukod sa records sa bank accounts, malinaw din anyang ebidensya ang pagbabayad ni Alice Guo ng konsumo sa kuryente ng POGO hub kahit noong siya ay alkalde na.

Lumabas din anya sa mga dokumento na may nagfinance sa pagtatayo ng POGO hub sa Bamban na dumaan sa accounts ni Alice Guo at ang kailangan na lamang nilang tukuyin ay kung sino ito.

Sinabi naman ni Escudero na maaaring may iba pang opisyal ng gobyerno bukod sa mga opisyal ng Bureau of Immigration ang tumulong sa dating alkalde at mga kasama nito noong tumakas sa bansa

Iginiit ni Escudero na dapat mapanagot ang sinumang dayuhan o non-Filipino actor na tumulong sa kanilang pagtakas kabilang na ang isinulat nito sa papel sa pagdinig kahapon.

Kahit pa sinasabing nasa labas na ng bansa ang mga hindi Pinoy na tumulong sa pagtakas nina Alice Guo, iginiit ni Escudero na hindi ito dapat makapigil sa ating pamahalaan para sila ay panagutin.

Samantala, pinuri ni Escudero si Pangulong Bongbong Marcos dahil agad itong umaksyon laban sa nakitang nagpabaya kaya nakatakas sina Alice Guo.

Idinagdag ng senate leader na ang pagsibak kay Immigration Commissioner Norman Tansingco ay pagtupad ng Pangulo sa kanyang inihayag sa publiko na may ulong gugulong sa pagtakas ng dating alkalde at mga kasamahan nito. (DANG SAMSON-GARCIA)

 

146

Related posts

Leave a Comment