PARAK ISINUNOD SA PINASLANG NA MISIS

PATAY at may tama ng punglo sa ulo nang matagpuan ang isang tauhan ng Philippine National Police-Police Regional Office 5, na umuwi lamang mula sa burol ng kanyang misis na pinatay rin ng hindi pa kilalang suspek, tatlong araw lamang ang nakalilipas, sa Masbate City.

Ayon sa impormasyong ibinahagi ni Police Lt. Col. Malou Calubaquib, tagapagsalita ng PNP-PRO5, natagpuan ang duguang bangkay ni Police Officer Samuel Baruelo Jr., 31, bandang ala-1:30 ng hapon noong Huwebes, na may tama ng bala ng baril sa ulo sa Barangay Buenasuerte matapos na magpaalam na uuwi lang sandali para maligo.

Bunsod ng galit, mahigpit na ipinag-utos ni Police Brigadier General Andre Perez Dizon, Bicol Regional Police director, na alamin ang pagkakakilanlan ng mga suspek na pumatay sa mag-asawa at tugisin ang mga ito.

Lumitaw sa paunang imbestigasyon, umalis sa bahay na pinagburulan ng kanyang asawa, ang biktima para sana maligo ngunit hindi na ito nakabalik sa lamay.

Sa paghahanap ay natagpuan ng mga kamag-anak ang duguang katawan ng pulis sa creek.

Nabatid na noong Lunes, Marso 4, ay binaril at napatay ang asawa nito na si Cheryl, sa Barangay Bagumbayan sa Masbate City.

Naglalakad umano pauwi ng bahay ang ginang nang lapitan ng dalawang hindi pa kilalang mga gunman ang biktima at saka pinaputukan nang malapitan sa ulo.

Si Police Officer Baruelo ay nakatalaga sa 1st Masbate Provincial Mobile Force Company.

Ayon kay Col. Calubaquib, inaalam pa nila ang motibo sa pagpatay at kung magkaugnay ang dalawang insidente.

(JESSE KABEL RUIZ)

113

Related posts

Leave a Comment