HINDI umano kailangang magpaliwanag sa taong bayan ang Armed Forces of the Philippine (AFP) hinggil sa kontrobersyal na massive transfer ng military fuel ng Estados Unidos mula sa Hawaii patungo ng Subic.
Ito ang naging tugon ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, matapos humingi ng paliwanag sa Department of National Defense (DND) at pamunuan ng Sandatahang Lakas si Foreign Relations Committee Chair Sen. Imee Marcos kaugnay sa napaulat na paglipat ng umano’y 39 milyong galon ng fuel ng US Navy mula sa kanilang Redhill fuel storage facility patungo sa Subic.
“There is nothing for the AFP to explain. The fuel shipment and the process the US followed, which are all administrative in nature, did not involve the participation of the AFP.”
Nilinaw ni Col. Aguilar, hindi sangkot ang AFP sa prosesong sinunod ng pamahalaan ng Estados Unidos na pawang administratibong gampanin.
Una na ring sinabi ng DND na ang naturang fuel shipment na karga ng commercial tanker Yosemite Trader, ay bahagi ng regular na commercial transaction sa pagitan ng pamahalaan ng Estados Unidos at ng mga Pilipinong kompanya.
“The shipment of fuel from Pearl Harbor, Hawaii, USA to a storage facility in the Subic Bay Freeport in the Philippines via the commercial tanker Yosemite Trader is part of regular commercial transactions between the US Government and Philippine companies,” ani Director Arsenio Andolong ng DND Public Affair Service.
Subalit kahapon ay lumutang ang balitang biglang kinansela ang pagpasok ng commercial tanker na maglilipat sana ng 39 milyong galon ng gasolina mula sa pasilidad ng militar ng Estados Unidos.
Sinasabing kinansela ng tanker Yosemite Trader ang kahilingan nito para sa isang port call.
Wala namang maibigay na kumpirmasyon o paliwanag ang SBMA hinggil sa ulat na cancelation ng nasabing shipment na una nang kinumpirma ng US Embassy na nasa bisinidad na ng Subic Bay Freeport ang tanker na Yosemite Trader,isang araw matapos maglabas ng pahayag si Sen. Imee Marcos na kumukuwestiyon sa tila kawalan ng transparency tungkol sa kargamento, partikular sa panig ng DND at AFP dahil may kinalaman ito sa pakikitungo sa militar ng US.
Bukod pa rito, ang Subic Bay ay hindi rin kabilang sa mga base na magagamit ng militar ng US sa pagpreposisyon ng mga pwersa o kagamitan sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Sinabi ng SBMA, naunang nakatanggap ng komunikasyon ang SBMA mula sa US Navy noong Martes para sa planong paglipat ng gasolina sa Subic, isang dating US naval base.
Noong Huwebes din, kinumpirma ng US Embassy sa Manila na nasa vicinity na ng Subic Bay ang commercial tanker para ilipat sana ang kargamento nitong gasolina na nagmula sa US military facility sa Red Hill, Pearl Harbor, sa Hawaii.
(JESSE KABEL RUIZ)
186