PROTEKSYON, BENEPISYO NG OFWs DARAGDAGAN NG SENADO

HINILING ni Senador Grace Poe sa mga kasamahan sa Senado ang madaliang pagsasabatas ng isang panukala na magbibigay ng mas maraming proteksiyon at benepisyo sa overseas Filipino workers (OFWs) na maagang nawalan ng trabaho sanhi ng corona virus 2019 (COVID-19).
Sa pahayag, sinabi ni Poe na layunin ng Senate Bill No. 1476 o ang Act to Further Assist Filipino Migrant Workers  na bigyan ang lahat ng OFWs ng full reimbursement ng kanilang placement fee na may 12% interes kada taon kabilang ang kanilang sahod sa hindi napasong panahon ng kanilang employment contract, na aamendahan ang batas na makatatanggap sila ng tatlong buwang sahod kada taon na hindi napapasong termino, kung ano ang mas mababa.
“Dapat garantiyahan natin na ang ating OFWs na naging eligible na panatilihin ang kanilang trabaho ay mabibigyan ng proteksiyong panlipunan at parehas na benepisyo,” giit ni Poe
Layunin ng panukala na amendahan ang Section 10 sa Money Claims ng Republic Act No. 8042 o ang  Migrant Workers and Overseas Filipino Act, na inaatasan ang Department of Labor and Employment at attached agencies nito na magbigay ng bagong skill training, re-training programs, kabuhayan at technology assistance, seminar sa micro-finance assistance at katulad na oportunidad para sa bumabalik na OFWs.
 “Habang kinikilala natin na maraming industriya sa buong mundo ang nilumpo ng COVID-19, hindi dapat gamitin itong dahilan upang tanggalin ang ating manggagawang Filipino nang walang dahilan, sapat na paalala at pantay na kumpensasyon,” dagdag ng senador.
Iginiit ni Poe na may pangangailangan na patatagin ang pagtaas ng proteksiyon sa OFWs habang libu-libo ang nawalan ng trabaho at pinauwi sanhi ng paghina ng pang-ekonomiyang aktibidad sa buong mundo dulot ng pandemya ng coronavirus.
Pinalala ng COVID-19 ang kanilang kahinaan habang nakikipagbuno na makapunta sa healthcare, testing at pagpapagamot upang matiyak na nananatili silang akma sa trabaho at magpatuloy na kumita para sa kanilang pamilya.
“Malaki ang tulong ng ating OFWs upang manatiling nakaangat ang ating ekonomiya.  Hindi dapat balewalain ang  sakripisyo na may pag-asang malalasap nila ang kanilang kinita sa paghihirap kapag umuwi na sila sa kani-kanilang tahanan,” ayon kay Poe.
Sa ilalim ng umiiral na Migrant Workers Act,  maaaring magsampa ng kaukulang reklamo ang OFW sa   National Labor Relations Commission at humingi ng danyos sa aktuwal, moral, exemplary at iba pang uri ng damages.
Didinggin ang reklamo saka ipapalabas ang desisyon sa loob ng 90 araw pagkatapos ng paghahain.  (ESTONG REYES)
328

Related posts

Leave a Comment