Sa mga binakunahan kontra COVID-19 HIGIT 7K SAPUL NG ADVERSE EFFECTS

NAKAPAGTALA na ng mahigit pitong libong kaso sa Pilipinas na magsasabing mayroong “negatibong epekto” ang mga bakuna ng CoronaVac at AstraZeneca na mga ginamit sa programang baksinasyon ng administrasyong Duterte laban sa mamamayang Pilipino.
Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) ang impormasyon na 7,469 katao ang nagsabing nakaranas sila ng tinatawag na “adverse reactions” (side effect).

Ang datos ng FDA na isiniwalat sa media ay binilang mula noong Marso 1 hanggang umabot sa dalawang linggong pagtuturok ng mga bakuna ng Sinovac BionTech at AstraZeneca na pag-aari naman ng kumpanyang Britain at Sweden.

Nanguna sa pagtuturok ng bakuna ang ilang opisyal ng pamahalaan, mga doktor at health care workers ng mga pagamutang pag-aari ng pamahalaan at pribado.

Marami na ring mga nagpabakuna mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).Ang 600,000 doses ng Sinovac ay donasyon ng pamahalaan ng China at ang 483,075 doses ng AstraZeneca ay donasyon ng COVAX facility ng mga bansang nakapaloob sa European Union (EU).

Hindi pa matukoy ang totoong petsa ng pagdating ng mga bakunang binili ng administrasyong Duterte sa iba’t ibang kumpanya, maliban sa Sinovac at AstraZeneca.

Inilabas ng FDA na hanggang nitong Marso 17 ay umabot na sa 240,297 Pilipino ang nabakunahan.

Bakunang AstraZeneca ang itinurok sa 72,499 sa kanila, saad ng FDA.

Mula sa nasabing bilang, 3,769 ang nakaranas ng hindi magandang epekto.

Nilinaw ng FDA na ang 3,715 ay “non-serious events” ang naranasan, habang 54 ang “seryoso” ang negatibong epekto.

Sa kabuuan, 5.19% ang adverse reaction rate ng British-Swedish vaccine.

May ilang bansa sa Europa ang ipinatigil ang paggamit ng AstraZeneca dahil sa ilang kaso na negatibo ang epekto sa mga naturukan nito.

Nang makarating kay Pangulong Rodrigo Duterte ang balita, nanindigan ang pinuno ng bansa na tuloy ang paggamit ng AstraZeneca.

Mayroon namang 167,798 katao ang naturukan ng CoronaVac vaccine ng Sinovac, pahayag ng FDA.

Mula rito, pumalo sa 3,700 bilang ng mga taong nakaranas ng pinaniniwalaang adverse effects, ayon din sa FDA.

Ngunit, nilinaw pa rin ng ahensya na ang 3,616 sa mga ito ay napabalitang “non-serious” ang epekto, samantalang umabot lamang sa 83 ang seryoso ang adverse effects.

Sa kabila nito, 2.21% lang nakaranas ng hindi magandang epekto mula sa bakuna ng Sinovac, pahayag ng FDA.

Tuloy pa rin ang pamahalaan sa paggamit ng CoronaVac ng Sinovac.

Matatandaang serye ng mga balita ang nakarating sa Pilipinas hinggil sa 50% efficacy rate ng Coronavac batay sa clinical trials sa ilang bansa.

Sa mahigit pitong libong kaso ng mga taong nakatikim ng negatibong epekto sa bakuna ng China at Britain-Sweden, isa lang ang namatay, banggit ng FDA na kinumpirma naman ng Department of Health (DOH).

Ang namatay ay isang health care worker ngunit mabilis na itinanggi ng mga opisyal ng DOH at FDA na Coronavac o AstraZeneca ang itinurok dito.

Namatay umano ito sa kumplikasyon ng kanyang mga karamdaman.

Kaagad itong inimbestigahan ng adverse events following immunization (AEFI) national at regional committees alinsunod sa 2019 AEFI Causality Assessment methodology na itinakda at ipinagawa ng World Health Organization (WHO).

Kinumpirma ng AEFI na kumplikasyon sa kaniyang sakit na pinalala ng COVID-19 ang dahilan ng kamatayan ng hindi pinangalanang health worker.

Ipinaalalang muli ng mga opisyal ng DOH at FDA na kahit patuloy ang pagbabakuna sa mamamayan, mahalaga pa ring sumunod ang lahat sa protocols laban sa COVID-19 tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, pagsisigurong magkakalayo ang mga tao ng isang metro sa bawat isa, naghuhugas ng mga kamay at madalas na naglilinis ng bahay at kapaligiran. (NELSON S. BADILLA)

301

Related posts

Leave a Comment