IBINASURA ng Korte Suprema ang Minute Resolution No. 22-0074 ng Commission on Elections (Comelec) na nag-apruba sa post-election substitution ng nominees ng Komunidad ng Pamilya, at Persons with Disabilities (P3PWD) Party-list kabilang ang dating commissioner na si Rowena Guanzon noong 2022 elections.
Sa halip, inatasan ng En Banc ng Korte Suprema ang P3PWD Party-list na magsumite ng karagdagang nominees.
Ngunit pinagbawalan ng high tribunal ang P3PWD na i-nominate uli para sa 19th Congress ang mga nominado na pinawalang-bisa na ang paghalili kung saan itinuturing na immediately executory ang nasabing kautusan.
Iginiit ng Korte na sa pamamagitan ng pagpayag sa substitution na lampas sa deadline, nilabag ng Comelec ang konstitusyunal na karapatan ng mga tao sa impormasyon.
Mahalaga aniya ang timing ng pagpapalit ng mga nominado dahil nakaapekto ito sa karapatan ng mga botante na malaman ang pagkakakilanlan ng mga nominado ng partylist upang makagawa sila ng maayos na pagpili sa araw ng halalan. (JULIET PACOT)
20