TYPHOON ODETTE: 378 PATAY, 60 MISSING

SUMAMPA na sa 378 ang bilang ng mga nasawi sa bagyong Odette habang nasa 60 pa ang nawawala.

Base sa datos mula sa National Disaster Risk Reduction Management Council, noong Pasko, Disyembre 25 ay 367 ang naitalang nasawi ngunit nadagdagan ito sa mga sumunod na araw.

Ngunit ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, sa mga nadagdag na bagong bilang ay 44 lamang ang confirmed or validated.

Sa Cebu at Bohol may pinakamaraming bilang ng nasawi base sa situational report ng NDRRMC kahapon ng umaga. Umaabot naman sa 60 ang bilang ng nawawala habang 742 katao ang naitalang nasaktan o nasugatan mula sa may 3.9 million katao na naapektuhan ng pananalasa ng Typhoon Odette.

“It’s possible na nagsisimula nang magsiuwian ‘yong mga kababayan natin, na-release na po sa evacuation center iyong iba dahil umiigi na ‘yong panahon in those areas,” kaya nabawasan na rin ang occupants ng mga evacuation center, ayon kay Timbal.

Tinatayang aabot naman sa Php16 billion ang danyos sa imprastraktura habang nasa P3 billion sa sektor ng agrikultura, mga pananim, livestock and poultry industry at maging sa fish farms.

Nasa 478,963 kabahayan naman ang winasak ni Odette nang manalasa ito sa ilang lalawigan sa Visayas at Mindanao.

Ayon pa kay Timbal, target ng gobyerno na sa darating na Enero ma-restore na ang linya ng mga kuryente. Subalit kung hindi ito makakaya ay tiyak sa buwan ng Pebrero 2022 fully restored na aniya ang power supply sa mga nasabing rehiyon.

Paliwanag pa ni Timbal, bukod sa pagbabalik ng power supply, prayoridad din ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga bahay ng mga nawalan ng tirahan dahil kay “Odette.”

Aniya, uunahin na maibalik ang mga bahay na nasira bago lagyan ng kuryente. (JESSE KABEL)

7

Related posts

Leave a Comment