PINABABAWASAN ng grupo ng mga militanteng mambabatas sa Kamara ang buwis na binabayaran ng masa kasama ang mga middle class dahil tanging ang mayayaman umano ang nagtamasa sa tax reform na ipinatupad ng nakaraang administrasyon.
Inihain ng mga militanteng mambabatas ang “Tax Reform Act for the Masses and the Middle Class” o TRAMM bill na naglalayong pababain ang buwis na binabayaran ng mga Pilipino.
“This proposed “Masses and the Middle Class (TRAMM) would help address imbalance, in favor of poor and middle-class households in the country that bear most of the tax burden but are unable to reap benefits form the economic system, while the richest clans gobble up much of the wealth that the former have mostly created,” paliwanag sa panukala.
Sa ilalim ng TRAMM, ipapako sa 20% ang personal income tax rate ng bawat mamamayan mula sa kasalukuyang 25% kapag lumagpas sa P400,000 ang income kada taon; 30% kapag lagpas sa P800,000, 32% kapag P2 milyon at 35% naman kapag ang kinita ay mula P8 million pataas.
Nais din itaas sa nasabing panukala ang P400,000 malilibre sa buwis mula sa kasalukuyang P250,000 sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na ipinatupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 1, 2018.
Lahat ng sobra sa nasabing halaga ay papatawan ng 20% income tax na ayon sa mga progresibong solon ay makatutulong nang husto para maiangat ang buhay ng mga karaniwang manggagawa.
Nakasaad din sa panukala na ilibre sa buwis ang bonus ng mga manggagawa na hindi lalagpas sa P150,000. (BERNARD TAGUINOD)
196 