DISMAYADO si Senadora Imee Marcos sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa panukalang ‘no vax, no subsidy’ policy.
“Nakakapikon ha, may halong tili ang sagot ko no!? Yung 4Ps ang pinaka vulnerable sa buong lipunan, sila pa ang pagkakaitan ng tulong at subsidy? Kahit hindi nila kasalanan na walang bakunang umabot sa kanila? Grrrr!!!” saad ni Marcos.
Naniniwala naman si Marcos na hindi maaaring agad na lamang ipatupad ang polisiya lalo na sa mga lugar na kulang pa ang bakuna.
“Kahit heneral hindi naman pwedeng sugod lang nang sugod! 26% pa lang ang nabakunahan dito sa atin, samakatwid ang mayoryang 74% ay di pa nababakunahan,” diin ng senadora.
“Hindi naman pwedeng ipagkait ng DSWD o DILG ang subsidy sa mayorya kung wala pa namang bakunang umaabot sa lugar nila.
Kasalanan ba ng mga 4Ps na 45 milyong doses ng bakuna ay nakatambak sa mga bodega ng DOH, FDA, BOC at iba pang ahensya na walang transpo o cold storage?” tanong ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na hindi makatarungang ang 4Ps beneficiaries ang maparusahan sa kasalanan ng iba.
Tinawag pang evil idea ni Marcos ang polisiya.
“Juice ko, where are they getting these stupid, evil ideas?!!” diin pa ng mambabatas.
Tiwala rin si Marcos na hindi papayagan ng mga senador ang polisiya dahil makakapagpahirap lang ito sa mga mahihirap. (DANG SAMSON-GARCIA)
157 