CHILD LABOR PINATUTULDUKAN NI REP. NOGRALES

(JOEL O. AMONGO)

SA gitna ng malawakang pang-aalipin sa hanay ng mga tinaguriang ‘pag-asa ng bayan, iminungkahi ng isang batang kongresista sa pamahalaan ang pagbalangkas at agarang implementasyon ng mga programang magbibigay proteksyon sa sektor ng kabataang biktima ng child labor.

Ayon kay Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles na tumatayong chairman ng House Committee on Labor and Employment, napapanahon nang manindigan at ipagtanggol ang mga kabataang aniya’y sinasamantala kung hindi man ganap na inaabuso sa pwersahang pinagtatrabaho.

Paglalarawan pa niya, nakapanlulumo ang kinasadlakan ng mga batang napilitang maghanapbuhay sa kasagsagan ng pandemya – patunay ng aniya’y lantarang pagyurak sa karapatan ng mga bata.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), sumipa sa 1.37 milyong mga batang edad lima hanggang 17 ang nasadlak sa child labor at exploitation noong taong 2021 – mas mataas ng 872,333 kumpara sa naitala noong 2020.

Sa nasabing bilang 62.8% (katumbas ng 858,000) ang mga batang lalaki habang 37.2% (katumbas ng 508,200) naman ang batang babae.

Pasok din sa PDA data ang sektor ng agrikultura kung saan 45.7% ng kabuuang 1.37 milyong biktima ng child labor ang napilitang magtrabaho sa mga bukid, sakahan, at palaisdaan.

Nasa ikalawang pwesto ang service sector na may 45.4%.

Para kay Nograles, napapanahon nang repasuhin at palakasin ang umiiral na batas na nagbibigay proteksyon sa mga bata. Giit ng kongresista, amyendahan ang Republic Act 9231 (Act Providing for the Elimination of the Worst Forms of Child Labor and Affording Stronger Protection for the Working Child).

Para tiyakin ang pagbalangkas ng komprehensibong panukala, target ni Nograles pulungin ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor na nakabase mismo sa mga pamayanan.

“Hindi lang basta batas ang kailangan natin ngayon. Mas mainam kung sasangkapan natin ng multi-sectoral approach,” sambit pa ng mambabatas sa paniwalang hindi na angkop sa makabagong panahon ang ilang probisyon ng RA 9231.

Kabilang sa mga nais pulungin ni Nograles ang pribadong sektor, akademiya, mga non-government organizations (NGO) at ang mga kinatawan ng mga komunidad.

“Ang mga bata dapat nag-aaral o di naman kaya’y masayang naglalaro. Hindi pinagtatrabaho.”

Kamakailan lang, nakipagpulong rin si Nograles sa pamunuan ng International Labor Relations na bumiyahe pa mula sa bansang Switzerland para suriin ang umiiral na batas para sa proteksyon ng mga kabataan.

367

Related posts

Leave a Comment