NTC ipasasara na rin ang Channel 43 ABS-CBN KUMITA NANG ILEGAL

ULUYANG mawawala sa ere ang mga programa ng ABS-CBN dahil ipasasara na rin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang Channel 43 na pinaglipatan ng kanilang mga dating programa matapos mapaso ang kanilang prangkisa noong Mayo 5, 2020.

Sa ika-8 pagdinig ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability nitong Lunes, sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na maglalabas na ang mga ito ng alias Cease and Desist Order laban sa Channel 43.

Naungkat din sa pagdinig ang mistulang pagkita ng ABS-CBN sa ilegal na paraan dahil patuloy itong nag-o-operate nang walang prangkisa.
Bago ito, sa personal and collective privilege speech ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, kinuwestiyon nito ang patuloy na pag-ere ng Channel 43 gayung kasama ito sa CDO na inisyu ng NTC noong Mayo 5.

“Malinaw sa akin, it’s a violation of the powers of Congress. It is a violation of our constitutional mandate na tayo lang ang magbibigay ng prangkisa. This in itself is usurpation and infringement on the powers of Congress, Mr Chairman,” ani Defensor dahil pinayagan ng NTC na umere ang Channel 43 gamit ang TV plus ng ABS-CBN.

Inamin ni Cordoba kay Defensor na kasama ang Channel 43 sa original na CDO dahil ang prangkisa na ginamit para sa digital broadcasting na ito ng ABS-CBN ay napaso na noong Mayo 4.
“Ngayon po nung  aming nalaman na umeere pa rin sila sa Channel 43 kahit paso na ang kanilang franchise at kasama ito sa CDO na inisyu namin nung May 5, 2020 ay sumulat kami sa Office of [the] Solicitor General,” ani Cordoba dahil nasa Korte Suprema na umano ang usapin.

Subalit ayon kay Defensor, hindi na kailangan ang alias CDO sa halip, ipatupad ng NTC ang kanilang unang CDO na nilalabag umano ng ABS-CBN sa patuloy nitong pag-ere sa Channel 43.

VIOLATION

Mula noong magsara ang ABS-CBN, walong linggo na ang nakararaan ay inilipat lahat ang kanilang programa sa Channel 43 tulad ng TV patrol, teleradyo at mga entertainment program.

“Ginawa ng ABS-CBN nitong walong linggo na lumalabas sila, alam nila na may kamalian ang kanilang ginawa at may violation sa inyong nilabas na order?,” tanong ni Defensor na inayunan ni Cordoba.

Sa interpelasyon naman ni House deputy majority Jesus Crispin “Boying” Remulla, sinabi  nito na kumikita ng limpak-limpak na salapi ang ABS-CBN sa ilegal na paraan.

“Tiningnan ko po Mr. chairman ang palabas sa TV plus, ang nakakagulat lang po ang daming advertisement. Kumikita sila ng pera, gumaganansya sila nang napakalaki pero wala silang prangkisa,” ani Remulla.

“At ito po ay tinolerate ng NTC. Eight weeks na po yan, hindi tumitigil ang ABS-CBN sa pag-o-operate ng TV plus,” dagdag pa ni Remulla, kaya plano ng mga ito na kasuhan si Cordoba sa Office of the Ombudsman dahil wala umano itong ginawa gayung hindi naman naglabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) sa petisyon ng nasabing network laban sa CDO ng komisyon noong Mayo 5, 2020. (BERNARD TAGUINOD)

177

Related posts

Leave a Comment