NTF-ELCAC 2022 BUDGET TINAPYASAN NG P24-B

KINUMPIRMA ni Senador Edgardo Angara nitong Martes na umabot sa P24 bilyon ang kinaltas ng Senado sa P28.1 bilyon badyet ng National Task Force To End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) sa 2022 national appropriations.

Sa virtual press conference, sinabi ni Angara, chairman ng Senate committee on finance, na bahagi ang naturang halaga sa P100 bilyon hanggang P150 bilyong ibinawas ng Senado sa badyet ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang pondohan ang paglaban sa pananalasa ng COVID-19.

Aniya, inilaan din ang ilang bahagi ng naturang kaltas sa badyet ng Department of Health (DOH) para sa pagbabayad ng special risk allowance para sa healthcare workers, pribado man o pampublikong ospital at ilang programa upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

“Its about P100 billion to P150 billion the total budget cuts from all agencies since health is now our priority,” ayon kay Angara.

Ayon kay Angara, nagsumite ang NTF-ELCAC ng P30.46 billion, at mula dito P28.1 bilyon ang inilaan sa ilalim ng Local Government Support Fund- Support to the Barangay Development Program (LGSF-SBDP).

May hiwalay na P2.3 bilyon din na ikinalat sa ilang ahensiya ng pamahalaan upang tustusan ang gastusin sa administratibo at operasyunal.

Samantala, inihayag din ni Angara na nagdagdag ng special provision ang Senado sa 2022 National Budget upang maiwasang maulit ang paglilipat at paglalagak ng multi-bilyong pondo sa Procurement Services-Department of Budget and Management (PS-DBM), na iniimbestigahan ngayon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa multi-bilyong overpriced na pagbili ng medical supplies para sa DOH.

Hindi kuntento

Kaugnay nito, mistulang hindi kuntento ang isang katutubong mambabatas sa Kamara sa pagkapon ng Senado sa budget ng NTF-ELCAC.

Para kay Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat, dapat buwagin nang tuluyan ang nasabing ahensya.

“Tama lang dahil sayang ang perang binubuhos lamang sa matinding red-tagging at harassment na ginagawa ng NTF-ELCAC sa mga progresibong grupo at indibidwal,” ani Cullamat.

Bagaman ikinatuwa ng katutubong mambabatas ang aksyon ng Senado, mas mabuti aniya kung tuluyang bubuwagin ang ahensya dahil ginagamit lamang umano ito para maghasik ng takot at karahasan sa kanayunan.

Mas nararapat din aniyang tanggalin nang buo ang budget at buwagin ang NTF-ELCAC dahil hindi totoong nakatutulong ang mga programa nito sa mga komunidad.

“Ilaan ang kanilang pondo sa ayuda para sa mga magsasaka at mamamayang nagugutom sa panahon ng pandemya, lalo na sa mga nawalan ng hanapbuhay at kinapos ng pagkakakitaan,” dagdag pa ng mambabatas. (ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD)

169

Related posts

Leave a Comment