OCD NAKA-BLUE ALERT; TF SAN JUANICO BRIDGE BINUO

NILIKHA ngayon ng pamahalaan ang San Juanico Task Group (SJTG) sa pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., para tutukan ang seguridad, kaligtasan at operational coordination sa mga bayan mula sa magkabilang dulo ng San Juanico Bridge, na ipinagutos na isailalim sa structural assessment.

Ang Office of Civil Defense (OCD) ang siyang inatasan na magsilbing lead agency at overall chair ng SJTG, na responsable sa pagtiyak ng magandang daloy ng trapiko, seguridad at mga rapid response effort sa buong kahabaan ng tulay.

Kasabay nito ang paglalagay sa blue alert status ng OCD Eastern Visayas at Regional Disaster Risk Reduction and Management Council makaraang magpapatupad ang mga awtoridad ng weight limit sa sasakyan daraan o tatawid sa tulay

Kasabay nito ay ipatutupad na rin ang mga bagong safety protocol sa pangalawang pinakamahabang tulay sa bansa, kasama na ang 24/7 security patrol sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at law enforcement agency.

Simula nitong nakalipas na linggo , bunsod ng naka ambang rehabilitasyon sa tulay sa Pilipinas, hindi na rin pinapayagang tumawid ang mga pedestrian at sa halip ay gagamitin na lamang ang mga light vehicle at mga coaster na magbibiyahe para sa kanila.

Tulad ng orihinal na plano, ang mga roll-on/roll-off (RORO) vessel na ang magdadala sa mga mabibigat na cargo truck o mga sasakyan mahigit sa 3 tonelada. Pinaghahanda rin ang mga RORO port sa buong Leyte at Samar sanhi ng tiyak na pagdami ng mga seserbisyuhang sasakyan.

Nabatid na kinakitaan ng mga structural damage ang San Juanico Bridge ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaya’t kailangang ipatupad ang tatlong-toneladang weight limit.

Ayon sa DPWH, sa pinakabagong assessment ay nakitaan ito ng pangamba patungkol sa structural integrity ng tulay.

Bilang bahagi ng pag-iingat, pansamantalang pinagbawalan ng DPWH ang mga sasakyan na may timbang na mahigit tatlong tonelada sa pagtawid sa 2.16 kilometrong tulay.

Kailangang gamitin ng mga tatawid sa tulay ang centerline at dapat ay magiging isahan lamang ang pagtawid, sa tulong na rin ng pagmamando ng mga itinalagang traffic enforcer.

“This measure is strictly enforced to ensure motorist safety, mitigate risks associated with identified damage, and facilitate essential repair and maintenance work,” paliwanag ni OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno.

Maaaring gamitin ng mga sasakyan na lampas sa weight limit ang RORO vessel sa mga sumusunod na pantalan sa mga bayan ng Tacloban, Calbayog, Catbalogan, Biliran, Ormoc, Manguinoo, Hilongos, Maasin, Naval, Palompon, Calubian at Villaba.

Patuloy na hinihikayat ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga trucker at motorista na may sasakyang mahigit tatlong tonelada ang bigat na gumamit na lamang ng roro sa halip na tumawid ng San Juanico Bridge.

Ito ay dahil sa ipinatutupad na weight limit ng DPWH dahil sa mga structural concern sa tulay na nagdurugtong sa Samar at Leyte.

Ayon sa PPA, nakikipag-ugnayan sila sa stakeholders upang mapanatiling maayos ang operasyon sa mga pantalan na may mga bumibiyaheng RORO.

Posibleng umabot ng ₱500 milyon ang emergency repair ng San Juanico Bridge sa Eastern Visayas, ayon sa OCD.

“Very rough estimate po ito, wala pang masyadong detalye. Between 300 to 500 million kung kinakailangan pang repair,” ayon kay Nepomuceno.

(JESSE KABEL RUIZ)

100

Related posts

Leave a Comment