OCTA NAALARMA SA MULING PAGLOBO NG POSITIBO SA NCR

SAPAT na ang dahilan para maalarma ang publiko sa mabilis at panibagong paglobo ng mga kumpirmadong kaso ng nakamamatay na COVID-19 sa Metro Manila, ayon sa Octa Research Group.

Para kay Octa fellow Dr. Guido David, bukod sa NCR, tinutukan rin nila ang pagsirit ng arawang bilang ng mga positibo sa siyam pang lugar – kabilang ang lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Benguet, Bulacan, Cebu, Davao del Sur, Iloilo at Pampanga.

Sa kanyang datos, lumalabas na pinakamataas ang antas ng pagdami ng kaso sa Cavite kung saan pumalo na sa 13.2% ang positivity rate mula sa 5.9% na naitala noong Hunyo 25.

Sa Metro Manila naman, umabot sa 7.5% ang positivity rate mula sa dating 6%.

Sa lalawigan naman ng Rizal, bumaba naman sa 9.7% ang positivity rate mula sa 11.9% na naitala noong nakaraang linggo.

Sa tala ng Department of Health (DOH), 1,309 ang naitalang bagong kaso nitong nakaraang Huwebes – ang pinakamataas mula Pebrero. Sa kabuuan, umabot na sa 3,704,407 ang Pilipinong tinamaan ng COVID-19.

Samantala, sumipa sa 41 ang active COVID-19 cases sa Valenzuela City, ayon sa pinakahuling ulat ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).

Sa ulat ng CESU na may petsang Hunyo 30, nakasaad na 32 sa mga kaso ang naka-home quarantine, at anim ang nasa Valenzuela City Emergency Hospital Modular Tent.
Samantala, tatlo naman ang naka-admit sa ospital.

Pumalo na sa 44,213 ang cumulative confirmed COVID cases sa lungsod, at dito ay 43,235 na ang gumaling at 937 na ang namatay. (ALAIN AJERO)

139

Related posts

Leave a Comment