MABUTI na lamang at inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapauwi ang mga stranded na Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa quarantine facilities ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Halos araw-araw ay laman ng mga balita sa telebisyon, radyo, social media at mga pahayagan ang mga reklamo tungkol sa pagkainip ng mga OFW na nasa mga hotel. Maging ako ay araw-araw na tinatawagan ng ilang OFWs na humihingi ng tulong upang makakuha sila ng kanilang Covid Test Clearance.
Target ng reklamo ang OWWA dahil akala ng mga nagrereklamo na OWWA ang dahilan nang pagkaantala ng kanilang pag-uwi sa kanilang pamilya.
Ngunit ang isa sa tunay na balakid o dahilan nang pagkakaaantala nang pag-uwi ng mga OFW sa kani-kanilang probinsiya ay dahil sa hindi pagbibigay ng pa hintulot ng mga Local Government Unit.
Hindi rin batid ng mga nagrereklamo na ang mandatory quarantine ay hindi desisyon ng OWWA, kundi utos ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na binubuo ng iba’t ibang sangay ng gobyerno gaya ng DOLE, PNP, AFP, DILG, DOJ, DOTr, DOH, PCG, DND, DBM, LGUs at iba pa na may mga sub-task group.
Para sa usaping sangkot ang OFWs, binuo ang isang sub-task force na kinabibilangan ng OWWA, Philippine Coast Guard(PCG), Department of Health (DOH) at Bureau of Quarantine (BOQ).
Ang OWWA ay naka-assign sa hotel accomodation o quarantine facilities, pagkain at transportasyon ng mga OFW samantalang ang PCG, DOH at BOQ ay nakatalaga para sa covid test clearance.
Mabuti na lamang na tinugon ni Pangulong Duterte ang hinaing ng mga OFW at ipinag-utos na pauwiin na ang mga natambay na OFWs.
“Let me be very clear. Nobody but nobody can stifle the right of people to travel. Nagkaroon lang ng konting aberration because of COVID. Only the National Government which can impose restrictions on travel. The power of declaration is not shared by anybody else. I am ordering you (LGUs), open your gates to allow OFWs to enter. Sequestration should dovetail the national policy.
You are not allowed to unilaterally declare the stoppages of the ingress and egress of people. If you want to do it, ask permission from the task force,” ayon kay Pangulong Duterte.
Sinumbatan pa nga ni Pangulong Duterte ang mga LGU sa pagsasabi ng laki ng halaga na naiambag ng mga OFW sa ekonomiya ng ating bansa.
Marahil ay napapanahon na ang pagbuo ng OFW Advisory Council sa bawat munisipyo at barangay upang sa gayon ay may tamang sektor na napapakinggan ang mga opisyal ng LGU para sa usapin at kapakanan ng mga OFW.
Ang kakulangan ng kaalaman sa damdamin at pangangailangan ng mga OFW ang isa marahil dahilan kaya hindi nabibigyan pansin ng mga LGU ang kapakanan ng mga OFW at pamilya nito.
Dapat din alalahanin ng bawat LGU executive na wala na halos kalsada sa bawat barangay ang walang OFW o kamag-anak at kaibigan ng OFW kung kaya hindi maaaring balewalain ang sector na ito.
Nitong nakaraang taon ay nagsulong ang anak ng dating OFW na si Bohol 3rd District Representative Alexie Tutor ng panukalang batas na HB 4814. Kasama sa panukala na ito ang pagtatatag ng Barangay OFW Council .
Samantala sa bayan ng Tupi, Soth Cotabato ay pinangunahan naman ni Councilor Mao Yabut ang panukala ng pagkakaroon ng OFW Barangay Council. Habang sa Mariveles, Bataan ay pinangunahan na ni Mayor Jocelyn Castaneda ang pagbuo ng aktibong Barangay OFW council. DR CHIE LEAGUE UMANDAP
