OFW GUTOM AT WALANG SAHOD, NANAWAGAN SA AHENSYA

AKO OFW

Isang kabayani mula sa Dammam, Saudi Arabia ang dumulog sa AKO OFW. Siya si Noraida Usman Kam.

Sa kanyang liham na may petsang Hulyo 20, 2019 nakasaad na Marso 2, 1018 nang dumating siya sa banyagang bansa upang magtrabaho na domestic helper sa pamamagitan ng ahensya sa Manila na Athenna Manpower.

Subalit ang kanyang buhay bilang domestic helper ay hindi naging madali dahil ibinenta siya ng kanyang amo sa iba.

Bukod sa parang laruan na pinagpapasa-pasahan ang ating kabayaning si Noraida ay minalas din itong gutumin ng kanyang naging amo.

Tanging ang mga tirang pagkain na ayaw nang kainin ng kanyang amo dahil ilang araw nang naka-stock sa refrigerator ang ipinapakain sa kanya.

Bahagi pa ng reklamo ng ating kabayani ay nagmumukhang libre ang kanyang pagtatrabaho sa malupit na amo dahil nasa tatlong buwan nang hindi siya pinasusweldo. Ngayon pa naman na inaasahan ng kanyang naiwang pamilya sa Pilipinas ang pera.

Sa sumbong pa ni Noraida ay hindi biro ang ina­abot niyang pagod dahil napakalaki ng bahay na kailangan niyang linisin sa araw-araw. Bukod pa rito ang marami pang gawaing bahay na ipinagagawa sa kanya. Kaya katiting na oras na lamang ang kanyang nagiging pahinga sa araw-araw na trabaho.

May ahensya sa host country ang ating kabayani, ang Zaki Alkhalifa Recruitment Agency, subalit bingi at bulag yata ito sa kalagayan ni Noraida sa employer na si Ibrahim Mohammed Alnamar.

Hindi na kaya ng pagod na katawan ng ating kabayani ang sobra-sobrang pagod at gutom, pati na ang kawalan ng kaukulang sweldo sa kanyang mga paghihirap. Kaya gusto na nitong umuwi ng Pilipinas.

Nanawagan ito sa ahensyang nagpaalis sa kanya, ang Athenna Manpower na tulungan siyang makaalis sa kinasadlakan niyang kalbaryo at mabayaran ang kanyang pinagtrabahuhan.

Ang Ako OFW ay nanawagan sa kanyang ahensya na Athenna Manpower na kung maaari ay asikasuhin at direktang makipag-ugnayan sa kanilang Foreign Recruitment Agency na Zaki Alkhalifa Recruitment Agency, na nakabase sa Saudi Arabia upang makipag-ugnayan sa pulisya ng Saudi Arabia at masagip ang kabayaning si Noraida. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

203

Related posts

Leave a Comment