OFW MULA SA UAE BINIGYAN NG ABOGADO NG OFW JUAN

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

ISANG panibagong kaso ng umano’y paglabag sa kontrata ang muling naitala ng OFW JUAN-Saksi Ngayon, matapos personal na magsumbong si Aisha Betudio Mendoza, isang overseas Filipino worker mula sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.

Ayon sa detalyadong salaysay ni Mendoza, siya ay umalis ng Pilipinas bitbit ang isang kontrata na malinaw na nagsasaad ng kanyang magiging employer. Subalit pagdating sa Abu Dhabi, labis ang kanyang pagkabigla nang iba ang sumundo sa kanya — at hindi ito ang employer na nakasaad sa kanyang kontrata.

Matapos ang ilang araw na paghihintay sa opisina ng Al Roeya Domestic Workers Agency, doon lamang niya natuklasan ang tunay na sitwasyon: kanselado na pala ng kanyang orihinal na employer ang kanyang visa habang siya ay nasa Pilipinas pa. Ayon pa kay Mendoza, ang mismong Al Roeya Agency ang nag-isyu ng panibagong visa para sa kanya upang makabiyahe, ngunit ito ay nauwi sa serye ng komplikasyon.

Sa kanyang pananatili sa Abu Dhabi, nakaranas si Mendoza ng paulit-ulit na pagpapalit ng amo — umabot sa anim na magkakaibang employer — bago tuluyang magpasya na umuwi na lamang sa Pilipinas upang tapusin ang kanyang kalbaryo.

Sa harap ng ganitong sitwasyon, mabilis na kumilos ang OFW JUAN upang masiguro ang agarang tulong kay Mendoza. Sa pinagsanib na puwersa nina Head Advocate Mitch Disto at Executive Director Vince Mañalac, agad siyang inugnay sa tanggapan ni Atty. Napoleon F. Fernando Jr. para sa masusing konsultasyong legal at posibleng paghahain ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.

Ayon sa pamunuan ng OFW JUAN, hindi nila hahayaan na maulit ang ganitong pang-aabuso at patuloy silang magsisilbing tinig at sandigan ng mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Para sa mga kapwa OFW na may reklamo o nais idulog na kaso, ipadala ang inyong kumpletong salaysay at kaukulang mga detalye sa e-mail: ofwjuan@yahoo.com upang agad na maaksyunan at masiguro ang inyong karapatan at proteksyon sa ibayong dagat.

60

Related posts

Leave a Comment