SA nakaraang mga araw ay mga kahilingan ng mga OFW na may karamdaman na nagnanais makauwi sa Pilipinas ang aking natanggap na mensahe sa email at messenger.
Kabilang na rito si Rochelle Calcita na nasa bansang Qatar. Siya ay nakarating sa nasabing bansa sa pamamagitan ng Cinderella International Manpower. Ayon sa mensahe na ipinadala ng kanyang kapatid na si Cristina Minimo, “Gusto po namin na makauwi na ang aming kapatid na si Rochelle kasi po ay sumasakit po ang kanyang gall bladder dahil sa gall stone”.
“Ibig po namin na maoperahan siya sa lalong madaling panahon. At isa pa sa problema namin ay hindi na po namin siya ma-contact sa telepono dahil kinuha ng agency ang kanyang cellfone dahil baka raw po magreport ito sa POLO. Malimit din po na ginugutom sila pati po ang kanilang iniinum na tubig ay nanggagaling lamang sa gripo. Malimit po na sardinas at instant noodles na lamang daw ang pinapakain na lalong nagpapalubha ng kanyang karamdaman o sakit ng tiyan”.
Ang sumbong na ito ni Cristina ay agad nating ipinarating sa OWWA Overseas Operation Director Connie Marquez na mabilis naman na nag-utos na alamin ang kalagayan ni Rochelle.
Sa pinakahuling report na aking natanggap ay sinabi ng ating Welfare officer sa Qatar, na si Rochelle ay nasa accommodation ng kanyang ahensya simula pa noong Hunyo. Diumano ay pinagkakalooban naman si Rochelle ng mga kailangang gamot ng kanyang ahensya. Idinagdag din nito na nakatakdang umuwi si Rochell sa Agosto 30, 2021.
Samantala, Humingi rin ng tulong si Editha Saquing sa AKOOFW at kanyang ipinarating ang kanyang kasalukuyan na pinagdaraanan. Ayon sa mensahe na ipinarating ng kanyang kapatid na si Enemercy Dandal sa akin ay “Na-stroke po ang aking kapatid na si Editha Nuique at kasalukuyang naka-confine sa Medical City, King Saud University sa Riyadh, Saudi Arabia”.
“Hirap na po siyang kumilos at magsalita kaya nakikiusap po ang aking kapatid na pauwiin na lamang siya sa Pilipinas sa oras na payagan na siya na makalabas ng ospital.”
Ang kahilingan na ito ni Enemercy para sa kanyang kapatid na si Editha ay aking ipinarating kay OWWA Welfare Officer sa Riyadh na si Racquel Kunting upang siya ay dalawin sa ospital at alamin ang kasalukuyang kalagayan nito at kung sakaling siya ay maaari nang makapagbiyahe ay magawan ng paraan na maisama na siya sa repatriation flight ng ating gobyerno.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
191 