OFW PENSION PLAN NAPAPANAHON NA PARA PAG-USAPAN

DAHIL sa pandemya na dulot ng COVID 19 virus na nakaapekto sa buong mundo, napakaraming mga OFW ang naapektuhan.

Sa datos na ipinakita ng Department of Foreign Affairs noong Setyembre 27, 2020 ay umabot na sa higit 195,000 ang kanilang napauwi s­imula pa noong Pebrero 2020.

Kabilang dito ang 67,484 na seafarers at 127,740 na land-based OFWs.

Bukod pa rito ang bilang ng napakaraming mga dating OFW na matapos ang kontrata o inabot ng katandaan ay nagdesisyon na manatili sa Pilipinas.

Maraming mga dating OFW na akong nakausap, at halos iisa lamang ang kanilang ipinagtatampo at pinanghihinayang.

Ayon sa kanila noong panahon na sila ay nagtatrabaho sa ibang bansa at panahon na sila ay malakas pa ay halos ibinubuhos nila ang kanilang kinikita para sa kanilang pamilya lalo na sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

Tatlo lang naman halos ang dahilan ng mga OFW sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Kabilang dito ang mapagtapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak, makapag-tayo ng bagong negosyo at makapagpagawa ng sariling bahay.

Ito ang dahilan kung kaya malimit na ang mga OFW ay hindi nakakapag-ipon ng pera dahil talagang todo-buhos ito sa pagbibigay sa bawat ­kahilingan ng kanilang pamilya.

Kung kaya sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas at sila naman ay may pangangailangan, ay wala na silang mapaghugutan ng kanilang pangangailangan katulad ng mga maintenance medicine at iba pa.

Kung kaya, maraming mga OFW ang nakiki-usap sa akin na kung maari ay isulong sa OWWA ang pagkakaroon ng OFW Pension plan na kakaiba sa Pension Plan ng SSS.

Isa sa kanilang suhestyon ay dapat ang kanilang binabayad na $25 kada dalawang taon ay gamitin na lamang sa OFW Pension, scholarship at livelihood assistance program.

Ipinapahiwatig din nila ang kahandaan na ­magdagdag ng bayad sa Overseas ­Workers Welfare Administration (OWWA) masiguro lamang na sa kanilang pag-uwi sa Pilipinas pagkatapos ng kontrata ay mayroon din naman silang maasahan na buwanang pension na kanilang magagamit sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.

Ako man ay sang-ayon dito. Sa katunayan ay taong 2016 pa lamang ay nanawagan na ako sa pagkakaroon ng OFW Pension Plan.

Ngunit bilang OWWA Board of Trustees na kumakatawan sa mga OFW Land-based sector, ay batid ko na nakatali ang kamay ng OWWA sa ganitong klase ng pagbabago.

Dahil para maisakatuparan ang kahilingan na ito, ay kinakailngan na ma­amyendahan ang OWWA ACT o Republic act 10801.

Kinakailangan kasi na mabigyan ng pahintulot ng batas ang pagpasok ng OWWA sa mga investment na kahalintulad ng ginagawa ng Social Security System upang masiguro na masusustentuhan nito ang pension ng mga miyembro.

Sa kasalukuyan kasi ay limitado lamang sa Land Bank of the Philippines at sa Development Bank of the Philippines (DBP) maaring ipasok ng OWWA ang pondo nito para magka-interest at kumita.

Marahil ay napapanahon na para tawagan ng pansin ang mga mambabatas para muling rebisahin at pag-usapan ang Republic Act 10801 upang mai-ayon sa panahon at pangangailangan ng mga OFW na miyembro ng OWWA.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail ­address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

135

Related posts

Leave a Comment