OFW SA AL KHOBAR, AYAW PAUWIIN SA PILIPINAS NG AMO

KAHAPON ay naimbitahan akong muli ng ­programang “Rise and Shine Pilipinas” ng PTV4 upang idulog ang problema ng isang OFW na nasa Al Khobar, Saudi Arabia.

Sa nasabing interview ay dumulog ang kamag-anak ni OFW Vilma Laipon na sina Ellen at Elizabeth Ngohayon na parehong nakikiusap na matulungan ang kanilang kapatid na si Vilma.

Sa sumbong nina Ellen at Elizabeth, walong buwan nang tapos ang kontrata nito sa kanyang amo ngunit ayaw pa rin itong payagan na makauwi sa Pilipinas.

Maging ang kanilang ama na may malubhang karamdaman ay labis-labis na nag-aalala sa kanyang anak at hinala nga nila na sa labis na pag-iisip nito sa kalagayan ni Vilma ay nakakaapekto ito sa kalusugan ng kanilang ama.

Dahil dito kung kaya nakikiusap ang magkapatid na Ellen at Elizabeth na matulungan si Vilma na makauwi na agad sa Pili­pinas.

Si Vilma ay halos limang taon na sa kanyang amo. Nagtungo sya sa Saudi Arabia noong Enero 14, 2017 sa pamamagitan ng Marafe International Manpower. Mayroon siyang tatlong anak na pawang nasa Ifugao.

Nakipag-ugnayan na rin ang kanyang pamilya sa ahensya nito at ­maging sa iba pang opisina ng ­gobyerno ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin malinaw na pagtugon o aksyon.

Kung kaya matapos ang programa na “Rise and Shine Pilipinas” ay agad akong nakipag-ugnayan kay OWWA Overseas ­Operation Director Connie Marquez upang alamin ang tunay na sitwasyon ni Vilma.

Ipinakiusap ko rin kay Director Marquez na ­paki­-usapan ang employer ni Vilma na ihatid na lamang sa Philippine Overseas Labor Office sa Saudi Arabia si Vilma at akuin na ang pagbili ng tiket nito pauwi ng Pilipinas.

Malimit kasi na ginagawang katwiran ng mga employer na nahihirapan silang bumili ng ticket sa eroplano dahil sa labis na pagtaas ng presyo nito, kung kaya hindi nila pinapayagan na umuwi sa Pilipinas ang ating mga kabayani.

Samantala, ako ay labis na nagpapasalamat sa pamunuan ng Philippine Air Force sa pamumuno ni Lt. Gen. Allen T. Paredes-Commanding General ng Philippine Air Force, BGen. Michael J. Lorenzo, Wing commander 520th Air Base Wing, at kay BGen. Gerardo Zamudio sa pagkakataon na maipagkaloob sa akin ang aking ranggo bilang Major ng Philippine Air Force Reserve Command.

Isinagawa ang paglalagak ng aking ranggo noong Setyembre 27 sa isang simpleng seremonya sa ­Villamor Air Base Golf Club Social Hall.

Kabilang sa mga nabigyan ng mga ranggo ay sina MTC Judge May Hazel Tagupa na may ranggong major, Michael Philip Verhet at Edrixine Kim Lopera na may parehong ranggo na 1st Lieutenant.

Hangad ko na ­maging inspirasyon sa mga OFW ang aking pagsali sa ­Philippine Air Force reserve upang mahikayat ang ibang mga OFW na maging bahagi rin ng reserve force ng sandatahang lakas ng Pilipinas. Sa matagal na paglilingkod sa ibang bansa ay mahalaga na maglaan din ng panahon para mapagsilbihan ang ating inang bayan upang maibahagi ang kanilang talino at kakayanan na kanilang natutunan sa ibayong dagat.

512

Related posts

Leave a Comment