WALA nang “Kafala system” sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) simula Marso 2021.
Kaya, walang dudang panalo ang overseas Filipino workers (OFWs) sa aksyon ng pamahalaan ng Saudi, o KSA.
Ang totoo, hindi lang panalo, kundi panalung-panalo ang OFWs sa pagkawala ng sistemang Kafala.
Alam n’yo kung bakit?
Agrabyadung-agrabyado ang mga migranteng manggagawa sa Kafala, o visa sponsorship system, dahil mistulang hawak sa leeg ang mga manggagawa, kabilang ang OFWs, ng kanilang mga employer.
Hindi nakaaalis ang mga OFW mula sa kanilang pinapasukan at hindi rin pinapasahod dahil obligado silang magpaalam sa kanilang mga amo.
Ngayon wala na ang malupit na Kafala, siguradong libu-libong OFWs ang masayang-masaya sa desisyon ng pamahalaan ng Saudi.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), nitong Disyembre 2019 ay umabot sa 865,121 mga manggagawang Filipino ang nagtatrabaho sa KSA.
Kaya, ganito karaming OFWs ang ‘nakalaya’ mula sa sistemang Kafala.
Sa pangunguna ng DFA, sa ilalim ng liderato ng noo’y sekretaryo nito na si Taguig – Pateros Representative Alan Peter Cayetano, ay sinimulan ang agresibong kampanya at paglaban ng Pilipinas sa pagpapatigil ng sistemang Kafala hanggang naipagwagi ng ating bansa sa United Nations (UN) at iba pang international fora ang tuluyang pag-alis ng nasabing sistema ng KSA.
Kapag natuldukan na ang Kafala sa Marso, maaari nang umalis, magbago ng kanilang trabaho at bumiyahe ang mga migranteng manggagawa nang hindi nagpapaalam sa kanilang employer.
Bawal nang kumpiskahin ang mga pasaporte ng mga manggagawa, hindi na maaaring ipagkait ang kanilang suweldo at hindi na ring pwede silang kasuhan kapag gusto nilang iwanan ang kanilang abusadong amo.
Maraming kritiko at kalaban sa pulitika si Cayetano, ngunit tanggapin natin ang katotohanan na maraming nagawa si Cayetano noong pinuno siya ng DFA.
Kinilala at tinanggap ng International Organization for Migration in the Philippines (IOMP) ang pagwawaksi ng pamahalaan ng KSA bilang “game-changer in terms of worker protection”.
Kinilala rin ng IOMP ang DFA sa ginawang paglaban at pagpapatigil sa sistemang Kafala na nagbigay Kalayaan at kaginhawahan sa libu-libong OFWs sa KSA.
Taong 2017 nang pasimulan ni Cayetano ang paglaban sa sistemang Kafala. Makalipas ang tatlong taon, nakamit ng Pilipinas ang tagumpay sa laban na ito para sa kaligtasan at kapakanan ng OFWs.
Nang umalis si Cayetano sa DFA noong 2018, ginawaran siya ni Pangulong Rodrigo Duterte ng “Order of Sikatuna” na may ranggong “Datu” dahil sa “outstading and dedicated service” sa pagiging kalihim ng DFA.
Maliban sa paglaban sa Kafala, napataas din ng DFA ang pondo sa Assistance to Nationals (ATN) sa P1 bilyon mula sa P400 milyon.
Gayun din ang Legal Assistance Fund (LAF) na naging P200 milyon mula P100 milyon.
Mula nang madagdagan ang pondo ng ATN ay mabilis na natulungan ng DFA ang 14,995 mga distressed OFWs at 685 mga migranteng manggagawa na may kinahaharap na mga kaso ang nabigyan ng legal assistance.
Binago ni Cayetano ang mga lumang patakaran at pamamaraan para maparami at mapabilis ang mga tulong sa OFWs.
Kaya nga maging ang mga na-stranded na OFWs dahil sa bagyo, o aksidente, ay nabigyan noon ng pampinansiyang tulong habang naghihintay ng kanilang biyahe.
Ipinagpatuloy ni Cayetano ang kanyang adbokasiya para sa OFWs hanggang maging speaker siya ng Kamara de Representantes.
Pangunahin naipasa ng Kamara ang panukalang batas upang itatag ang Department of OFWs (DOFW), ang kagawarang tututok sa sektor ng mga OFW.
Noong Marso ng taong kasalukuyan naipadala sa Senado ang naturang panukalang batas, ngunit nakatengga a sa Senado hanggang ngayon.
Ang isa pang nagawa ng DFA sa panahon ni Cayetano ay ang pagkakaroon ng “Passport on Wheels” at pagbubukas ng consular offices sa Ilocos Norte, Isabela, Laguna, Bulacan, Cavite, Rizal,
Davao del Norte, Misamis Occidental at Tarlac na nagpabilis sa paglalabas ng mga pasaporte ng OFWs.
Dahil dito, 20,000 pasaporte ang naipoproseso ng DFA araw-araw mula sa dating 9,500.
Napatigil din ang pekeng “passport appointment” nang ilunsad ni Cayetano ang “e-payment system”.
Tumaas ang show-up rate ng mga aplikante sa 95 porsiyento mula 65%.
Naisama sa courtesy lane ang senior citizens at isa nilang kamag-anak, mga taong may kapansanan at isa nilang kaanak, mga batang edad pito pababa, ang kanilang mga magulang at menor de edad na kapatid, mga buntis, nagbabalik na OFWs, gayundin ang solo parents at kanilang menor de edad na mga anak.
Sa pamumuno rin ni Cayetano, ipinatupad ng DFA ang 10 year validity ng Philippine passport.
212 