OFWs: REBOLUSYON VS PHILHEALTH; OWWA, MAY AYUDA SA MGA OFW

AKO OFW

HALOS magdeklara ng rebolusyon ang mga OFW dahil sa bagong patakaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung saan ang mga OFW ay kailangang magbayad ng halagang katumbas ng 3% sa kabuuang sweldo nito at tataas pa ito sa mga susunod na taon.

Sangkaterbang online petitions na ang naglalabasan at isa nga rito ay mula sa Change.org na umaabot sa mahigit 241,700 ang umayon. Samantala, ang Ako OFW naman ay gumawa rin ng panawagan kay Senator Christopher “Bong” Go na chairman ng Senate Health Committee.

Maganda naman ang konsepto ng pagkakaroon ng Universal Health Care Law, ang tanging reklamo lamang ng ating mga OFW ay masyadong mataas ang itinatakdang singil para sa kanila gayung hindi naman nila ito magagamit sa ibang bansa.

Gayundin, bagama’t ang babayaran ng mga OFW ay kahalintulad din ng mga empleyado sa Pilipinas, ang pagkakaiba lamang ay ang employer sa Pilipinas ang   siyang dapat magbayad ng 50% o kalahati nito, samantala ang mga OFW ay imposibleng maiatang ang 50% sa kanilang foreign employers, kaya ang suma – total ay ang mga OFW ang magbabayad ng kabuuang halaga nito.

Ang Ako OFW ay nanawagan sa ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kung maari ay muling rebisahin ang patakaran na ipinalabas ng PhilHealth at iminumungkahi rin na kung maaari ay ang 50% na bayarin ay dapat nang sagutin ng gobyerno tutal naman ang pakay na “bayanihan” ay para sa kapakinabangan ng mga mahihirap na nasa Pilipinas.

*******

MARAMI ang nagtatanong kung ano ba ang maaring asahan ng mga OFW mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Kamakailan ay ginanap ang regular OWWA Board meeting sa pamumuno ni Labor Secretary Silvestre Bello. Sa pulong na ito ay inilatag ang mga programang inihahanda ng OWWA para sa inaasahang pagdami ng mga uuwing OFW dahil sa pagkawala ng trabaho sa ibang bansa.

Isa sa mga sinang-ayunan ng kabuuan ng Board of Trustees ay ang pagdagdag ng bilang ng OWWA scholars na aabot sa halos 20,000. Alinsunod ito sa reklamo ng mga miyembro ng OWWA na hindi nakakakuha ng scholarship dahil sa mabilis na napupuno ang listahan ng scholars.
Ilan pa rin sa mga mungkahi na halos masasabing “approve in principle” ay ang pagbibigay ng ayuda sa mga OFW at pamilya ng mga  ito upang makapagsimula ng ‘Backyard Agri-Business’ . Kabilang sa mga susuportahan na klase ng negosyo ay ang ‘aquaponics’, pag-gawa ng fertilizer o compost na maaring maipagbili sa mga magbubukid at ‘hydroponics farming’.

“Ngunit isa sa aking ipinagpapasalamat ay ang pag-sangayon ng aking mga kasamahan sa board at lalo na ni Secretary Bello sa aking isinusulong na ‘Emergency Educational Assistance’. Ito ay ang awtomatikong pagbibigay ng ayuda na pambaon at pambili ng school supplies sa mga anak ng OFW, habang ang kanilang ina o ama ay nagkaroon ng problema at kasalukuyang nakatira sa mga bahay kalinga sa ibang bansa. Ito ay upang masiguro na ang mga anak ng OFW ay hindi matitigil sa kanilang pag-aaral.”

287

Related posts

Leave a Comment