SA araw-araw ay halos pare-pareho ang reklamo ng ating mga kabayani na kung saan ang lagi nilang sumbong ay tapos na ang kontrata, inililipat sa ibang employer, hindi sila pinapayagan na gumamit ng telepono, sinasaktan ng anak ng employer, hindi binibigyan ng sapat na pagkain, hindi pinapasweldo at inililipat sa iba’t ibang employer.
Minsan pa nga ang kanilang reklamo ay hindi man lang daw sila pinapagamit ng wifi ng kanilang employer sa tuwing oras na ang mga employer ay wala sa kanilang bahay.
Kabilang sa mga nagparating ng kanilang karaingan sa AKOOFW ay sina Cecilia Estonia na sa bansang Kuwait.
Siya ay nakarating sa naturang bansa sa pamamagitan ng Mayon View Agency.
Narito ang kanyang kumpletong salaysay na ipinarating sa akin sa pamamagitan ng aking kaibigan na si Florante Rosales.
“Nung dumating ako ng Kuwait noong December 12, 2019 ay dinala ako sa ibang employer kung saan hindi sya ang nakapirma sa aking kontrata.
Labinglimang araw ako doon na no rest. Nagsisimula ako ng trabaho mula alas 6:00 ng umaga hangang alas-10:00 ng gabi.
Madalas ay walang pagkain na ibinibigay.
Nagpabalik ako sa agency at nagsabi na uuwi na lang ako, pero ang sabi ng ahensya ko na Dalal Khalaf Al Shimri for Recruitement Domesti Labour ay dapat tapusin ko yung 6 months kung gusto kong makauwi.
Pinapirma po ako para mag-try sa ibang employer. Labing dalawang araw po ako sa bagong employer na ibinigay ng ahensya at sinahuran lamang ako ng KD48 at yun lamang daw ang kanilang bayad base sa bilang ng araw ng aking trabaho.
Tinitiis ko na lamang po ang trabaho para lamang matapos ko ang sinabi nila na tapusin ko na lang muna ang 6 months para makauwi na ako sa Pilipinas.
Pero ngayon po na halos ay mag-iisang taon na ako, ang sinasabi naman po nila ay tapusin ko ang 2 taon na kontrata at ako daw po ang magbabayad ng aking pamasahe.
Nakikiusap po ako sa inyo na tulungan na po ninyo ako makauwi dahil pinagpapasa-pasahan na lamang ako sa iba-ibang employer at ang aking sinasahod ay mas mababa pa sa aking pinirmahan na kontrata na.”
Samantala, si OFW Romelyn Sarangani na nasa bansang Kuwait din ay halos kapareho rin ang panawagan na kung maari ay matulungan na siya makauwi. Siya ay nakarating sa Kuwait sa pamamagitan ng Mayon View International Manpower.
Ayon sa kanyang sumbong siya ay may iniindang karamdaman at hindi man lang pinapagamot ng kanyang employer.
Tatlong buwan na rin siyang hindi pinapasahuran ng kanyang employer.
Ang AKOOFW ay nanawagan sa mga nasabing ahensya na kung maari ay kanilang kamustahin ang kalagayan ng kanilang mga “deployed” na mga kasambahay sa bansang Kuwait.
Gayundin, ang sumbong na ito ay aking ipinarating sa aking kaibigan na si Atty. Llewelyn Perez, Welfare Officer ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA)
oOo
Ang AKO OFW ay patuloy na nanawagan sa sinumang may mabubuting kalooban na ibig magpa-abot ng tulong pinansiyal para maipambili ng bigas, de lata at mga noodles para sa mga taga Rizal at Cagayan Valley. Maaring magpadala sa pamamagitan ng GCASH sa telepono 0956 846 7849 na may account name na Celerino U.
