OKTUBRE NA

NOONG normal pa ang buhay nating lahat kapag tumuntong na ang October 1, maraming kumpanya na ang naghahanda para sa Christmas season, lalo na yung mga hindi kalakihang negosyo.

Nagpapatawag na ng ­meeting ang presidente ng ­kumpanya para pag-usapan ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa paparating na Pasko at ang pangunahing agenda, ang benepisyo ng mga empleyado.

Karaniwan kasi, maglalaan na ng malaking bahagi ng income ang kumpanya simula sa buwan ng Oktubre hanggang sa unang linggo ng Disyembre para sa Christmas benefits ng kanilang mga empleyado.

Pinaglalaanan din ng ilang mga kumpanya ang kanilang itutulong sa mga nangangailangan na regular nilang ginagawa bilang pasasalamat sa biyayang natanggap nila sa buong taon.

May ilalaan ding pondo para sa mga giveaways na nagsisilbing promosyon din ng kumpanya at magtatalaga ng committee na gagawa ng lahat ng bagay na ito para pagdating ng Disyembre wala ng problema at magsasaya at magseselebra na lang ang lahat.

Hindi kasi overnight ang ­paghahanda na ginagawa ng mga kumpanya sa Christmas season. Inaabot talaga ng hanggang tatlong buwan ang paghahanda para smooth sailing pagdating ng araw ng Pasko.

Sa buwan ng Oktubre rin nagsisimula ang booking sa mga hotels para sa gaganaping Christmas party lalo na yung ­malalaking kumpanya at yung mga hindi kalakihan ay sa opisina na lang gagawin ang party.

Pero ngayong abnormal na ang kalagayan nating lahat dahil sa COVID-19 na in-export ng China sa iba’t ibang panig ng mundo na ikinamatay na ng mahigit isang ­milyong katao, nabago na ang lahat.

Wala nang nagpapatawag na meeting na karaniwang ginagawa sa unang araw ng Oktubre dahil mula noong Marso ay napilay ang kanilang operasyon at ang karamihan sa mga empleyado ay hindi pa pumapasok.

Walang kumikilos para pag-usapan ang benepisyo ng kanilang mga empleyado ngayong parating na Pasko, para pag-usapan ang mga humanitarian activities ng kumpanya, para sa promosyon ng negosyo.

Marami tuloy sa mga ­empleyado ang nangangamba at malungkot ang kanilang ­magiging Pasko ngayong taon.

Walang kasiguraduhan kung may matatanggap ba silang bonus.

Wala akong ibang sinisisi dito kundi ang China dahil itinago nila ang COVID-19 at hinayaan nila ang kanilang mamamayan sa Wuhan na bumiyahe sa iba’t ibang panig ng mundo kaya imbes na makontrol ang virus ay kumalat ito sa buong mundo.

Parang Grinch ang China ngayong Pasko. Sinira nila ang lahat ng bagay. Naging iresponsable sila sa kanilang aksyon.

Hindi rin puwedeng maghugas kamay ang ating gobyerno dito lalo na ang Department of Health (DOH) dahil sa kagustuhan nilang huwag masaktan ang China, hindi sila nagsara ng boarder.

Labis nilang inaalala ang kapakanan at pakikipagkaibigan sa China at ngayon ay pinagdudusahan na nating lahat.

116

Related posts

Leave a Comment