‘OLYMPIAN MUSEUM’ HANGAD NG KAMARA

ISANG Olympian Museum ang isinusulong ngayon sa Kamara bilang pagkilala sa ibinigay na karangalan ng mga atletang Pinoy na sumabak sa 2021 Olympics kung saan humakot ng apat na medalya ang mga delegadong Pilipino.

Sa panukalang House Bill No. 10096, o ang “Philippine Olympian Memorial Act” na inihain ni Deputy Speaker at Valenzuela City 2nd Dist. Rep. Eri Martinez, marapat lamang aniyang bigyan ng angkop na pagkilala sa karangalang naiuwi ng mga Pilipinong atleta tulad ni Hidilyn Diaz na nagbuslo ng kauna-unahang gintong medalya sa bansa bunsod ng panalo sa women’s weightlifting event nito lamang nakaraang buwan.

Paliwanag ni Martinez, hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan lalo pa’t hindi sapat ang suportang nakuha nila sa gobyerno sa kanilang paghahanda sa pagsabak sa Olympic games na ginanap sa Japan.

Ayon pa kay Martinez, na siyang dating chairman ng House Committee on Youth and Sports Development, ang pagbibigay kadakilaan sa naging pagsali ng mga atletang Pinoy sa Olympics ay magsisilbi ring kapalit sa sakripisyong ibinigay ng mga ito kung saan maaari ring dito humugot ng inspirasyon ang mga kabataan at susunod pang henerasyon.

Dagdag ng kongresista, matapos ang kahanga-hangang performance ng Team Philippines sa katatapos na 2020 Tokyo Olympics, na tampok ang gold medal win ni Diaz, silver podium finish ni Pinay slugger Nesthy Petecio, ang kauna-unahang women boxing silver medalist ng Filipinas at bronze medals naman nina Pinoy boxers Eumir Marcial at Carlos Paalam, tama at napapanahon lang din na maitatag ang Philippine Olympian Memorial.

Sa kanyang House Bill No. 10096, nais ni Martinez na maipatayo ang Olympian Museum sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac, na magsisilbing official repository ng lahat ng Olympian records at iba memorabilias ng Team Philippines kung saan ang bawat mamamayang Pilipino ay maaaring bumisita upang magkaroon ng inspirasyon at kaalaman o impormasyon hinggil sa Pinoy Olympians.

Ipinapanukala rin ng mambabatas na ang New Clark City Aquatics Center ay gawing “Teofilo E. Yldefonso Aquatics Center” bilang pagkilala kay Teofilo E. Yldefonso, na nakasungkit ng dalawang Olympic bronze medals noong 1928 at 1932.

Ang New Clark City Athletics Stadium naman ay iminungkahi ni Martinez na pangalanan bilang “Simeon G. Toribio Athletics Stadium”, para kay Simeon G. Toribio na nanalo ng bronze noong 1932 Olympics habang ang Philippine Institute of Sports Football and Athletics Stadium (dating ULTRA Stadium), na nasa PhilSports Complex sa Pasig City, ay tatawaging “Miguel S. White Athletics Stadium”, bilang pagkilala kay Miguel White na kumabig din ng bronze medal noong 1936.

Upang magsilbing paalala at kapulutan ng mabuting aral at pagsusumikap ng  mga kabataan, inatasan sa ilalim ng naturang proposed measure ang Department of Education (DepEd) na isama sa basic education curriculum nito ang core values, principles, maging ang kabayanihan at sakripisyo ibinahagi ng bawat national athletes sa pagnanais ng mga ito na makapagbigay ng malaking karangalan sa bansa. (CESAR BARQUILLA)

147

Related posts

Leave a Comment