RAPIDO ni PATRICK TULFO
IBINIDA ni Pangulong Bongbong Marcos sa ikaapat niyang State of the Nation Address (SONA), ang matagumpay niyang mga proyekto at mga plano pang gawin sa susunod pang dalawang taon.
Kabilang sa ibinida niya ang nasa P38-B na kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ang kitang ito ay mula sa mga casino at iba’t ibang online sugal na accredited ng PAGCOR.
Pero ang aking tanong lang, saan kaya kukunin ng ating gobyerno ang kapupunan ng P38-B sakaling ipatigil ang mga online gambling sa bansa.
Ilang senador ang pumirma upang tuluyan nang ipatigil ang mga online sugal.
Hindi po ako nagsusugal, ang tanging tinatayaan ko po ay ang Lotto kapag lumalaki na ang pot, bukod po rito ay hindi po ako natuto at nahilig sa sugal.
Napaisip lamang ako na kung malaki ang ambag ng mga online sugal sa pondo ng bansa, saan kaya plano ng ating gobyerno na kumuha ng pondong kapalit nito.
Sa latest na survey, bumaba ang inflation ng bansa, kung saan marami ang nagkaroon ng trabaho. Marahil ito ay dahil sa pagdami ng mga accredited online gambling company sa bansa.
Isa nga sa pumirma sa total ban ng mga online sugal ay isang senador mula sa Central Luzon. Pabor daw syang ipatigil ang online sugal, pero isa siya sa pumirma upang gawing legal noon ang POGO sa bansa, na kinalauna’y ipinasara rin dahil sa pagdami ng mga Chinese na pumapasok nang ilegal sa bansa.
211 